NALAPNOS ang katawan ng dalawang residente matapos tupukin ng apoy ang kabahayan sa Brgy. Bagong Pag-asa, Quezon City, nitong Sabado ng gabi.
Kinilala ang mga biktima na sina Emmanuel Gaba, 39 anyos, may pinsalang first degree burn sa kaliwang braso at magkabilang paa; at Delia Buatro, 61 anyos, nakitang may hiwa sa kaliwang hita.
Sa ulat ng Quezon City Bureau of Fire Protection (BFP), dakong 6:07 pm nitong 24 Abril, nang itawag sa Project 6 Fire Station ang nagaganap na sunog sa tahanan sa 87E Rd. 16, Brgy. Bagong Pag-asa, na pagmamay-ari ng isang Charlie Dacuyan at inookupahan ng isang alyas Edgar.
Ayon sa mga bombero, dahil dikit-dikit ang mga bahay at pawang gawa sa light materials, mabilis umanong kumalat ang apoy sa mga katabing tahanan.
Nahirapan din ang mga pamatay-sunog na pasukin ang lugar dahil masikip ang mga eskinita. Umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago tuluyang naapula dakong 7:40 pm.
Tinatayang nasa 60 pamilya ang naapektohan ng sunog at karamihan sa mga residente ay halos walang naisalbang gamit. Sila ay pansamantalang mananatili sa Pagasa Elementary School.
Inaalam ng mga arson investigator ang sanhi ng sunog, na tumupok sa tinatayang P75,000 halaga ng mga ari-arian.
(ALMAR DANGUILAN)