ISINAILALIM na sa lockdown ang ilang bahagi ng Barangay 35 bunsod ng mataas na bilang ng mga CoVid-19 cases kahapon ng madaling araw.
Pansamantalang isinara ang Block 6, Sawata, Area 2, Maypajo (nasasakupan ng LRTB Compound at Dagat-Dagatan Avenue) simula 12:01 a.m., Miyerkoles, 21 Abril hanggang 11:59 pm, Martes, 27 Abril.
Ayon kay Caloocan Mayor Oca Malapitan, layunin nito na mapigilan ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga kaso ng CoVid-19 sa lugar.
“Pansamantala nating lilimitahan ang paglabas at pagpasok sa ilang bahagi ng Barangay 35. Magsasagawa tayo ng disinfecting operations, malawakang contact tracing at mass swab testing upang agad na maihiwalay ang mga pinaghihinalaang kaso ng CoVid-19 sa publiko,” ani Mayor Oca.
Sa kasalukuyan, nakapagtala ng kabuuang 38 aktibong kaso sa Barangay 35.
Patuloy na pinag-iingat ng punong lungsod ang mga residente sa lugar, habang ang mga may papasok sa kanilang trabaho ay inatasang lumipat muna upang hindi sila madamay.
(ROMMEL SALES)