ni ROSE NOVENARIO
“I HATE corruption.”
Madalas itong ipamarali ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang mga talumpati.
Lingid sa kaalaman ng Punong Ehekutibo, nasa kanyang bakuran ang isang opisyal ng kanyang administrasyon na nais impluwensiyahan ang Kongreso para hindi ituloy ang imbestigasyon laban sa DV Boer Farm ni Soliman Villamin, Jr., a.k.a. Dexter Villamin.
Ayon sa source ng HATAW sa Malacañang, konektado sa isang dating opisyal ng militar ang Palace lady exec na nais makialam sa trabaho ng Kongreso na dapat ay mag-imbestiga sa mga anomalya upang makabuo ng batas na magbibigay ng proteksiyon sa publiko.
“Umaasta si ‘Madame’ na malakas kay Speaker Lord Allan Velasco pero ilang beses siyang nabutata sa pakay niyang kausapin ang House Speaker,” anang source.
Nangako umano ang Palace lady exec sa ilang malapit kay Villamin na kaya niyang kombinsihin si Velasco na huwag ituloy ng Kamara ang pag-iimbestiga sa DV Boer.
Nabatid sa source, layunin ni ‘Madame’ na huwag pumutok sa napipintong House probe kung sino ang mga nagamit na opisyal ni Villamin sa administrasyong Duterte sa kanyang ‘agribusiness scam’ gayondin ang mga opisyal ng militar na naloko niyang bigyan siya ng parangal at ginawa silang instrumento para magmukhang lehitimo ang kanyang raket.
“Nabigo si ‘Madame’ sa paandar niya kay Villamin dahil ayaw pala siyang makaharap ni Speaker Velasco,” anang source.
Nakatengga sa Committee on Rules mula pa noong 7 Disyembre 2020 ang inihain ni Magsasaka partylist Rep. Argel Cabatbat noong 1 Disyembre 2020 na House Resolution No. 1393, nag-aatas sa Committee on Trade and Industry, Committee on Banks and Financial Intermediaries, Committee on Agriculture and Food, at iba pang kaukulang komite sa Mababang Kapulungan na maglunsad ng joint investigation in aid of legislation sa napaulat na mga kaso ng investment scam kaugnay sa agribusiness sa bansa.
Ayon sa resolution, may mga ulat na bilyones ang kinamal mula sa publiko, maging sa overseas Filipino workers (OFWs) ng investment scams tulad ng ginawa ng DV Boer.
“Whereas, DV Boer has a program that encourages entrepreneurs and investors to be sub-farm owners to replicate its ‘profitable agri-business program.’
“Sub-farm owners pay, among others, an accreditation fee ranging from five million pesos (P5,000,000) to twenty-five million pesos (P25,000,000) with a promise of one million pesos (P1,000,000) net income per month or 33% return rate,” nakasaad sa resolusyon.
Isa pang programa ng DV Boer para sa sub-farm owners nito ang Talipapa Program na nag-aatas ng hiwalay na pagbabayad ng kalahating milyong piso para sa accreditation fee.
Naglunsad ng share bate cards at DV Boer cards na nagkakahalaga ng mula sa P100,000 hanggang P200,000 na binayaran ng sub-farm owners.
Lahat ng ipinangakong benepisyo ng mga programa ay hindi natupad bukod pa sa nabistong 4,000 kambing ang natagpuan sa farm samantala 101,000 ang nakasaad sa Pa-Iwi contracts.
“Whereas, amidst the pay-out delays to investors, questionable fulfillment of obligations in the contracts and the existence of challenges in the overall operations of the corporation, Mr. Dexter Villamin unashamedly displayed his extravagant lifestyle through acquisition of yachts, houses in an exclusive village , and luxury cars, among others.”
May mga ebidensiya na nagsasabing ginamit ni Villamin ang agrikultura bilang prente para kumolekta ng pera sa publiko at ginamit ang kuwarta para tustusan ang maluhong pamumuhay imbes bumili ng livestock para sa kanyang Pa-Iwi partners.
“Whereas, it is imperative for the House of Representatives to assess policy and implementation gaps that giver room for fraudulent or manipulative devices and practices in investments, especially in the agribusiness sector, just like what transpires in the DV Boer case, and look for possible policy adjustment,if necessary.”
Matatandaan noong Abril 2019 ay naglabas ng advisory ang Securities and Exchange Commission (SEC) na nagbabala sa publiko laban sa pagbebenta ng investments ng DV Boer dahil wala ito secondary license. (May Karugtong)