PATAY ang isang 32-anyos rider habang kritikal ang dalawa pa, nang magbanggaan ang sinasakyan nilang mga motorsiklo sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Agaw nalagutan ng hiningan si Paul Jerico Gamayon, residente sa Block 14, Lot 43, Mathew St., Phase 2, San Jose Del Monte, Bulacan.
Inoobserbahan sa East Avenue Medical Center Quezon City sanhi ng pinsala sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan si Lucito Rivas, 27 anyos, ng Package 1, Blk 14, Lot 11, Phase 3, Brgy. 176, Bagong Silang; at kanyang back rider na si Jennelyn Abrigo, 31 anyos, ng Blk 16, Lot 9, Camarin.
Ayon kay Caloocan police traffic investigator P/Cpl. William Ramirez, Jr., kapwa tinatahak ng dalawang motorsiklo ang kahabaan ng St. Joseph Avenue dakong 11:20 pm, sakay si Gamayon ng isang Yamaha Sniper at binabagtas ang southbound lane, habang minamaneho ni Rivas ang isang Mitsukoshe Rapido, angkas si Abrigo at tinatahak ang opposite direction.
Pagsapit sa harap ng Saint Joseph Parish Church sa Brgy. 186, sinakop ni Rivas ang lane ni Gamayon na naging dahilan upang magsalpukan ang kanilang mga motorsiklo.
Sa lakas ng impact, tumilapon ang mga biktima sa kanilang mga motorsiklo, agad idineklarang patay si Gamayon ng nagrespondeng mga tauhan ng Caloocan City DRRMO habang isinugod sa ospital si Rivas at Abrigo.
Mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injuries at damage to property si Rivas.
(ROMMEL SALES)