MULA sa mga maiikling pelikula tulad ng Balitok, Am-Amma, Tata Pilo, Ako ay Isang Kordilyeran, ang manunulat at direktor mula Abra na si Dexter Macaraeg ay masayang nagawa ang Salidumay para sa Sine Abreño.
Inamin ni Direk Dexter na mahirap gumawa ng pelikula ngayong pandemya.
Aniya, “Sa panahon ng pandemya, hindi madaling gumawa ng isang pelikula at kailangan isaalang-alang ang mga health and safety protocols. Pero nagpapasalamat kami at nagawa at natapos ang pelikula nang walang problema.”
Ang Salidumay ay pinagbibidahan ni Mai Fanglayan, isang Cordilleran na nagwagi bilang Pinakamahusay na Artista sa ToFarm Film Festival 2018 at Urduja Film Festival sa kanyang pagganap bilang asawa sa Tanabata’s Wife at naging nominado sa Gawad Urian at PMPC Star Awards for Movies.
Sa Salidumay, si Mai ay si Ayo, isang Tingguian (mula Abra) na mayroong dugong Ibaloi (Benguet) na nagpunta sa kanyang unang pakikipag-date sa isang restawran. Si Franz (Kenneth Jhayve Bautista), dating seminarista na lumaki sa Abra at nanirahan sa Baguio City, ay hindi makahanap ng pag-ibig at sinubukan ang ‘dating apps’ at nagpasyang gamitin ang kanyang kultura upang ayusin ang isang kasal. Ang kanilang pagkakaiba ay humantong sa isang maliit na banggaan ng pananaw at ang andap ng pag-asa ay tuluyang nawasak sa magiging mag-asawa.
Si Kenneth ay isang baguhang artista at modelo. Siya ang kakatawan sa Mister Teen Philippines 2021. Kabilang sa cast sina Seth Wayne Blas Chacapna (Mr. Benguet 2019 titleholder), Austin Docyogen na kilala bilang “Sayote Man,” Janet Mondata, Eric Kelly, at Janet Tayab Soriano. Ipinakikilala sa pelikuka sina Vicky Macay, Lilian Ocan Siapol Castro, Emmanuel Dela Cruz, at Onyl Torres.
Ang maikling pelikula ay ginawa para sa Sine Abreño sa pakikipagtulungan ng Lungsod ng Baguio, Onjon ni Ivadoy Association, Inc., at ang Munisipyo ng Bokod, Benguet. Ang malikhaing koponan ng Salidumay ay binubuo nina Shem Padua, Jonnie Lyn Dasalla Romnick Bayeng, JC Patnao, Ellen Castro Herrera, Melinda Ocan Castro at ilang Baguio-based talents. Inawit ni Sherylene ‘Sheng’ Bagayao ang original theme song na Ayat Ay Ninamnama.
Ang Salidumay ay inaasahang maisasali sa Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP), Abrenian Heritage Film Festival (AHFF) at sa iba pang film festivals tulad ng International Film Festival Manhattan (IFFMNYC).
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio