IPAKIKITA ng upcoming web series na QuaranFlingz ang mga kapana-panabik na istorya tungkol sa iba’t ibang uri ng relasyon na nabuo tapos magkakilanlan sa online world, na hango sa tunay na pangyayari ng mga kabataan ngayong CoVid-19 pandemic.
Kahit na napalayo ng lockdown ang bawat isa sa atin ay nakahanap naman tayo ng paraan para maging konektado pa rin sa mga kapamilya at kaibigan at ito’y sa pamamagitan ng teknolohiya. Dahil sa mga website at livestreaming apps na puwedeng gamitin, ‘di naging imposible ang paghahanap ng pag-ibig sa digital space, maski sa mga taong naghahanap ng kanilang special someone.
“Isa sa mga ikinaganda ng pag-develop ng romance online ay nagkakaroon ka ng pagkakataon na makilala ang ibang tao lalo na ngayong quarantine na dapat ay nasa bahay lang at bawal lumabas,” paliwanag ng direktor ng QuaranFlingz na si Jeoff Monzon ukol sa paano magiging matagumpay ang online dating.
“Plus, mas madaling magpahayag ng nararamdaman sa online kaysa personal kaya naman nagiging meaningful ang online conversations,” aniya pa.
Tinalakay sa youth-oriented na serye ang iba’t ibang themes of adolescence kasama na ang friendship, trust, connection, love, fears, heartbreaks, at ang kahalagahan ng komunikasyon.
Saad ni Jeoff, isa rin sa bida sa serye, “Inspirasyon namin dito ang mga tunay na pangyayaring naganap sa mga grupo ng estranghero na naging virtual friends sa tunay na buhay nang magkakilala sa mga livestreaming apps during quarantine.”
Pahabol niya, “Dinagdagan ko ito ng fiction para mas mapaganda.”
Bukod kay Jeoff, tampok dito sina Ammy Gecana, Nico Harvey, Gem Salgado, Derrick Pua, Gerlaine Silva, Danielle Panganiban, Aaron Maniego, Shy Cortal, at Justin Lim.
Mapapanood ang QuaranFlingz simula sa April 23, 8:00 pm, at every Friday sa YouTube Channel ng JM Productions at sa RAD app.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio