ni ROSE NOVENARIO
KUNG ginawa ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang kanilang trabaho nang maayos, posible kayang nahadlangan ang Ponzi-scheme agribusiness ng DV Boer Farm Inc., ni Soliman Villamin, Jr., a.k.a. Dexter Villamin?
Tanong ito ng mga nalinlang na investors ng DV Boer na hanggang ngayo’y umaasa pa rin na aaksiyonan ng SEC ang kanilang mga reklamo laban sa kompanya ni Villamin.
Sa kanilang liham kay SEC Chairman Emilio Aquino noong 5 Abril 2021, isinalaysay ni Irish Fajilagot, isang investor at kinatawan ng 290 DV Boer investors, na kinompirma sa kanila ni Atty. Oliver Leonardo, pinuno ng Enforcement and Investor Protection (EIPD) ng SEC, sa isang zoom meeting, ang pagbisita niya sa DV Boer Farm sa Lian, Batangas upang magsagawa ng visual inspection ngunit walang ginawang audit o investigation gaya ng “financial audits, opening of books.”
Kung binuksan aniya ni Leonardo ang record ng DV Boer ay malalaman na may internal memo na may titulong “General Assessment, Risks and Recommendations” si Randy Macalindol, Group Finance & Admin Controllerng DV Boer noong 11 November 2019.
Nakasaad sa internal memo na dapat ay may 33,479 kambing sa DV Boer farm ngunit sa isinagawang imbentaryo ay mayroon lamang 4,699 kambing.
Habang ang mga baka ay dapat umabot sa 19,986 ngunit ang actual inventory ay mayroon lamang 1,494.
Ang mga manok na dapat ay 50,500, sa actual na inventory ay 697 lamang.
Inamin ni Leonardo sa kanila na ang 578 investors ng DV Boer na basehan sa ipapataw na multa ng SEC ay hindi bineripika at umasa lamang sa isinumite ng DV Boer Farm samantalang sa inilathalang anunsiyo ng kompanya ay sinabing may kabuuang 10,000 investors at 100 sub-farms sa ilalim ng Pa-Iwi Program nito.
Nagpatuloy aniya ang DV Boer Farm na tumanggap ng investments kahit inilabas ang SEC advisory noong 30 Abril 2019 na malinaw na paglabag at ilegal.
Nag-isyu rin ng stock certificates ang DV Boer Farm sa kanilang investors para sa kanilang kompanya noong 2019 kahit walang lisensiya at sa kabila ng SEC advisory noong 30 Abril 2019.
Base sa isinumiteng Audited Financial Statement sa SEC para sa taong 2018, kumita ng P1.1 bilyon ang DV Boer Farm at DV Boer Microfinance Inc., habang ang sub-farms ay may P3.32 bilyong total gross sales.
Sa isinumiteng General Information Sheet (GIS) ng DV Boer Farm sa SEC noong 2016, mayroon lamang itong P1 milyong authorized capital na may paid-up capital na P250,000.
Habang sa GIS na ibinigay nito sa SEC para sa taong 2019, lomobo sa P1.634 bilyon ang authorized capital at may paid-up capital na P129.5 milyon.
Ipinagyabang sa online ng DV Boer Farm na humihirit pa ito sa SEC na itaas sa P2.5 bilyon ang authorized capital na ang mga miyembro ng pamilya Villamin ang shareholders.
Ang 75% shares ay kay Soliman A. Villamin, Jr. (President), a.k.a. Dexter Villamin; 10% shares kay Ina Aleli D. Co (Treasurer), anak ni Dexter; 5% shares, kay Marianne D. Co (Board Member), partner ni Dexter; 5% shares kay Soliman J. Villamin, Sr., (Corporate Secretary), ama ni Dexter, at 5% shares kay Ferdinand A. Villamin (Boart Member), kapatid ni Dexter.
Ang suma total nito’y 100% shares ng kompanya kaya’t nabuko na walang kinilala ni isa mang ibinentang stock certificate sa investors ng DV Boer.
“Bogus ang stock certificates na ipinagbili sa amin ng DV Boer,” sabi ng isang investor.
(May Karugtong)