NADAKIP magdyowang sinabing tulak ng ilegal ng droga makaraang makuhaan ng mahigit sa P100,000 halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Malabon police chief, Col. Joel Villanueva ang mga naarestong suspek na si Marvin Diolazo, 45 anyos, at Irene Flores, 41 anyos, kapwa residente sa Bisig ng Kabataan, Brgy. 2, Caloocan City.
Sa ulat ng pulisya, dakong 11:30 pm nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Joseph Alcazar ng buy bust operation sa M. H. Del Pilar, Brgy.Tugatog.
Isang pulis na nagpanggap na buyer ang naka-order sa mga suspek ng P500 halaga ng droga at nang tanggapin ang marked money mula sa poseur-buyer, agad dinakma ng mga operatiba si Diolazo at Flores.
Nang kapkapan, nakompiska sa mga suspek ang 21 pirasong plastic sachets na naglalaman ng 17.83 gramo ng hinihinalang shabu, tinatayang nasa P121,244 ang halaga, at buy bust money.
Kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isinampa ng pulisya laban sa mga suspek sa Malabon City Prosecutors Office.
(ROMMEL SALES)