ISA raw si Judy Ann sa balitang pinagpipilian ng ABS-CBN para magbida sa seryeng Doctor Foster, sikat na British drama series. Bale siya ang posibleng gumanap na legal wife. Si Piolo Pascual naman ang isina-suggest na gumanap na asawa ng aktres sa serye.
Kamakailan inihayag ng ABS-CBN na magkakaroon na ng Pinoy adaptation ang sikat na British drama series na Doctor Foster nang makipagkasundo ng ABS-CBN Entertainment sa BBC Studios na gumawa ng local version para sa Pinoy viewers.
Unang ipinalabas ng ABS-CBN ang South Korean adaptation nitong The World Of The Married (The World Of A Married Couple) sa Kapamilya Channel noong Hunyo, 2020 kasunod ng pagkilalang nakuha nito bilang highest-rating South Korean cable TV drama sa kasaysayan.
Ang Pinoy remake ng Doctor Foster ang una para sa isang scripted British series pagkatapos pumatok sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang kakaibang kuwento nito ng pagtataksil at paghihiganti.
Ang serye ay kuwento ng isang babaeng biniyayaan ng isang masaya at kompletong pamilya, na dahan-dahang mawawasak sa oras na makutuban niyang nanloloko ang kanyang asawa hanggang sa makompirma niya ito.
Ang Pilipinas ang ikaanim na bansang gagawa ng sarili nitong bersiyon ng Doctor Foster pagkatapos ng South Korea, India (Out of Love), Russia (Tell Me the Truth), Turkey (Sadakatsiz), at France (Infidéle).
Ang original British series naman ay isinulat ni Mike Bartlett para sa BBC One sa produksiyon ng Drama Republic.
Malapit nang ianunsiyo ng ABS-CBN Entertainment ang local title ng Doctor Foster, gayundin ang aktres na bibida at ang iba pang cast na magbibigay-buhay sa Pinoy remake nito.
Sa role naman nakabit, maugong ang chika na isa kina Janine Gutierrez at Charlie Dizon ang pinagpipilian.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio