IMBES makalibre sa tiket dahil sa paglabag sa traffic restriction code, inaresto ang isang tricycle driver, matapos balikan ang mga pulis at suhulan ng P1,000 kapalit ng pagbawi sa kanyang ordinance violation receipt (OVR) sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.
Ayon kay P/Col. Joel Villanueva, hepe ng Malabon city police, dakong 5:47 am nang sitahin nina P/Cpl. Bengie Nalogoc at P/Cpl. John Carlo Mata ng Malabon Police Sub-Station 6 si Leonardo dela Cruz, 47 anyos, habang patungo sa binabantayan nilang lugar sa Estrella St., Brgy. Tañong, na kabilang sa quarantine control point (QCP) sa lungsod.
Natuklasan ng mga pulis na nagmula sa Navotas City si Dela Cruz at pumasok sa lungsod ng Malabon, malinaw na paglabag sa umiiral na panuntunan sa ilalim ng ECQ kaya’t inisyuhan ng OVR ni P/Cpl. Nalogoc at pinabalik mula sa kanyang pinanggalingan.
Gayonman, ilang sandali lamang ay bumalik si Dela Cruz at inalok ng areglo ang mga pulis, sabay abot sa P1,000 bilang suhol.
Dahil dito, inaresto siya nang tuluyan ng mga pulis at dinala sa Station Investigation Unit ng Malabon police upang ireklamo kaugnay sa paglabag sa Article 212 ng Revised Penal Code o ang Corruption of Public Official.
(ROMMEL SALES)