ISANG mapangahas ngunit napapanahong pelikula ang Lockdown. Ito ang tinuran ng producer nitong ni Jojo Barron nang makapanayam namin thru FB.
Ang pelikula na hatid ng For the Love of Art Films ay tinatampukan ng hunk actor na si Paolo Gumabao at mula sa pamamahala ng premyadong director na si Joel Lamangan.
Tinatalakay dito ang ukol sa cybersex or videokol at mayroon daw ditong frontal nudity, kaya ngayon pa lang ay marami na ang naku-curious at nag-aabang sa pelikula.
Pahayag niya, “Ang Lockdown ay napapanahon na istorya, makikita ang mga kaganapan at karanasan ng isang OFW na pinauwi sa Filipinas dahil sa pandemic.
“Naglalarawan ang pelikulang ito ng pinagdaraanan at paghihirap ng isang OFW at ng kanyang pamilya sa panahon ng pandemya. Tinatalakay rin sa pelikulang ito kung paano ang naging desisyon niya sa buhay para matulungang makatawid ang pamilya sa panahong ito.”
Dagdag ni Mr. Jojo, “Mapangahas at kontrobersiyal ang tema ng pelikulang ito na tumatalakay sa cybersex or videojakol na laganap sa kasalukuyang panahon, katulad ng nauna kong indie film na Sikil. Nagkaroon ito ng physical screening sa UP Film Institute at naipalabas sa piling Robinson’s Cinema. Ganoon din ang aming plano para sa pelikulang Lockdown.”
Bukod kay Paolo, tampok din sa Lockdown sina Max Eigenmann, Allan Paule, Sean de Guzman, Ruby Ruiz, Jess Evardone, Jim Pebanco, Angeline Sanoy, at iba pa.
May frontal nudity ba sa pelikula?
Tugon niya, “Oo, may frontal nudity ito at ilang mapangahas at maselan na eksena, dalawa ang ating mga mata at hindi natin puwedeng takpan ang isa… inilalarawan nito ang tunay na buhay lalo na ngayong panahon ng pandemya. Kaya naniniwala ako na kailangan itong makita sa pelikula.”
Paano nabuo ang idea ng pelikulang Lockdown?
Esplika niya, “Nagsimula ang lahat sa isang phone call from Direk Joel Lamangan, sinabi niya sa akin na mayroon siyang material, at baka interesado ako na mapakinggan at gawing isang pelikula.
“Kaya nagkita at nag-usap kami ni direk Joel sa Shangri-La Mall EDSA at inilatag niya ang concept sa akin, kasama niya si Dennis Evangelista sa aming pag-uusap.”
Dagdag ng very accommodating na si Mr. Jojo, “Pangatlong indie film ko na ito, actually the first was Sikil under the direction of direk Ronnie Bertubin. Na ang bida ay sina Anita Linda, Sylvia Sanchez, Ken Escudero, and Will Sandejas.
“The second was Chopsuey with Piolo Pascual, Dimples Romana, Andrea del Rosario, and Krista Ranillo, under direk Cathy Camarillo.”
Ano ang masasabi niya sa bida ng kanilang pelikula at iba pang co-actors dito?
“Nagkaroon kami ng audition para sa lead role at supporting roles ng Lockdown at napili si Paolo Gumabao sa higit limampung nag-audition para sa pelikulang ito.
“Patungkol sa mga co-actors ni Paolo na sina Max Eigenmann, Allan Paule, Ruby Ruiz, Jess Evardone, Jim Pebanco, at Angeline Sanoy – kilala silang lahat sa larangan ng pag-arte, patunay ang samot-saring awards nila, both local at abroad,” saad pa niya.
Si Mr. Barron ay nasa real estate, ngunit dahil sa pagmamahal sa sining ay gumagawa ng pelikula at sumabak din sa stage production via Kabesang Tales, Isang Rap En Rol Musical at Solo Para Adultos ng Red Lantern Productions.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio