NAKAPAGLATAG ng 18 vaccination sites para sa vaccination program sa anim na distrito ang lungsod ng Maynila.
Ang nasabing bilang ng mga lugar na pagbabakunahan ay ginamit sa pagpapatuloy ng vaccination program, kabilang ang nasa kategoryang A3 o ang mga edad 18 hanggang 59 annyos at may comorbidities ay maaaring bakunahan.
Ayon kay Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, sina Vice Mayor Honey Lacuna, isang doktor, ang mamumuno sa health cluster ng lungsod katuwang si Manila Health Department chief, Dr. Arnold Pangan, in-charge sa rollout ng bakuna upang tiyaking maayos, ligtas, at banayad ang daloy ng programa.
Sinisikap ng alkalde na mabakunahan ang lahat ng nasa kategoryang A3 at planong ang buong lungsod ay mabakunahan.
Nabatid sa alkalde, ang mga naghahatid ng mga food boxes at cash aid ay nakasasalamuha ng mga taong umaabot sa 500 hanggang 1,000 bawat isa sa kanilang araw-araw na pagtungo sa mga residente at dahil dito ay mas mataas ang posibilidad na ma-expose at mahawa sa virus.
Sa ilalim ng orihinal na plano, sinabi ng alkalde na napag-usapan nila nina Lacuna at Pangan noon pang Enero na target ng pamahalaan na makapagbakuna ng maximum na 18,000 katao kada araw o katumbas ng 540,000 kada isang buwan.
Umaasa si Moreno, sa rami ng mababakunahan ay magkakaroon ng herd immunity ang lungsod.
Pinasalamatan ng alkalde ang mga opisyal ng national government sa pangunguna ni President Duterete, Health secretary Francisco Duque III, at vaccine czar Carlito Galvez, Jr., gayondin ang Inter-Agency Task Force (IATF) sa bakunang natanggap ng lungsod.
Umabot sa kabuuang 43,885 katao ang nabakunahan hanggang 6:38 pm kagabi.
(BRIAN BILASANO)