Sunday , December 22 2024

Serye-exclusive: DV Boer ‘pitaka’ ng mga Villamin

ni ROSE NOVENARIO

TADTAD ng hindi wastong datos ang financial statements ng DV Boer Farm ni Soliman Villamin, Jr., a.k.a. Dexter Villamin at ang kanyang pamilya ang nakinabang nang husto sa pondo ng kompanya na mula sa investors na karamiha’y overseas Filipino workers (OFWs).

Kabilang ito sa mga isiniwalat ni Alvin Andulan, isang certified public accountant (CPA) at dating Internal Audit Head ng DV Boer sa kanyang sinumpaang salaysay.

Sa panahon ng kanyang panunungkulan sa DV Boer ay nalaman niyang ang subfarm owners ay kailangan magbayad ng investments sa pamama­gitan ng accreditation na nagkakahalaga ng mula P5,000,000 hanggang P25,000,000,  limang porsiyentong Royalty Fee, mandatory contribution ng ‘at least’ 3% ng DV Boer Microfinance, Pa-Iwi Online system, 3% sales commission, at Talipapa Accreditation na P500,000.

Ang kuwentada ng mga porsiyento ay base sa gross sales para sa isang buwan na may pangakong mataas na return on investment (ROI) rate.

Nang usisain ni Andulan ang financial books ng DV Boer, nakita niyang napakaraming mali sa mga nakatala sa financial statements at mga report bago pa siya pumasok sa kompanya.

Walang mga doku­mento na magpapatunay sa mga ulat kaya’t walang basehan at produkto ng maling pagkuwenta ng kita at dispalinghadong accounting.

“When I asked Rosalyn, she said that the records were destroyed. Further, she mentioned that this is only a trial and error basis because DV Boer is just a pioneer in this kind of business,” sabi ni Andulan.

Napansin ni Andulan sa financial books ng kompanya na kumubra ng cash advances mula sa DV Boer account ang mga miyembro ng pamilya Villamin, at mga miyembro ng Board of Directors nito.

“It must be emphasized that the monies of DV Boer mostly came from subfarms through their investments in the form of accreditation fee, royalty and the like. Most of the expenses incurred by DV Boer are unofficial, unconscionable, unreasonable and unsupported by receipts, and mainly for the personal benefits of Villamin family,” dagdag niya.

Kabilang sa naka­listang pinagkagastusan ng DV Boer ang tinanggap na director’s allowance ni Dexter sa halagang P4,000,000 noong 6 Hunyo 2019; P150,000  noong 10 Hunyo 2019 at P1 milyon noong 14 Hunyo 2019.

Nakatala rin, ang buwanang suweldo na tinanggap ni Dexter ay kalahating milyong piso bilang president ng DV Boer; P300,000 bilang opisyal ng Magsasaka Inc; P350,000 bilang opisyal ng DV Properties.

Habang ang kanyang ina na si Joselyn Villamin ay tumanggap ng P500,000 noong 6 Disyembre 2018 bilang Christmas bonus at P500,000 noong 23 Nobyembre 2018 bilang bonus.

Muling binigyan si Joselyn ng P1,000,000 bilang show money noong 23 Marso 2018.

Nabiyayaan din siya ng sales commission at SEC fees.

Kinuha sa pondo ng DV Boer ang ipinam­bayad sa life insurance nina Dexter, Marianne Co, at Ina Aleli Co na P139,816 kada buwan pati ang car amortization ng mga opisyal ng kompanya.

Gayondin ang pam­bayad sa tuition fee, car parking, Montero SUV monthly amortization, condominium rental ni Ina Aleli Co at Lexus SUV monthly amortization ni Dexter at upa sa helicopter ay galing din sa pondo DV Boer.

Matatandaan nang dumalo si Dexter sa ika-43 anibersaryo ng 2nd ID (Jungle Fighter Division) sa Camp Capinpin sa Tanay, Rizal noong 21 Marso 2019 ay sakay siya ng isang pribadong helicopter.

Mistula siyang commander-in-chief na nag-troop the line sa nasabing okasyon bilang panauhing pandangal ng 2nd ID  na noo’y pinamunuan ni Major General Arnulfo Marcelo Burgos Jr.

(May Karugtong)

About Rose Novenario

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *