UMAPELA si Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa Department of Health (DOH) na payagan ang vaccination program para sa ibang kategorya sa lungsod ng Maynila.
Ang apela ay naglalayong mapalawak ang sakop ng pagbabakuna kabilang ang mga opisyal ng barangay, tanod, at maging ang mga ordinaryong manggagawa na nagsisilbing frontliners sa panahon ng pandemya.
Sa live broadcast ng alkalde , handa ang lungsod na umabante sa para sa susunod na antas upang matugunan ang minimun requirement ng mga indibidwal na sumailalim sa bakuna kabilang ang A3 category ng mga taong nasa edad 18-59 anyos at may comorbidities.
Napagalaman, ang Manila Health Department (MHD) ni Dr. Arnold “Poks” Pangan ang nangungunang tanggapan sa vaccination program sa ilalim ng superbisyon ni Vice Mayor Honey Lacuna na nangangasiwa ng health cluster ng lungsod, ang siyang nagpasa ng nasabing application at certification sa DOH.
Sinabi ni Isko, sakop ng vaccination program ng lungsod ang may 110 percent required number, na nakapagbakuna ng mahigit sa 21,000 katao, at higit na mataas sa 100 percent na inire-require na umaabot lamang sa 19,000.
Sa sandaling payagan ng DOH ang kanyang kahilingan, maaari nang magsimula ang lungsod sa A4, ang kasunod na kategorya sa priority list na itinakda ng national government.
(BRIAN BILASANO)