NOONG March 27, inaprobahan ng IATF ang isang resolusyon para isailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang lalawigan ng Bulacan.
Petsa 28 Marso 2021 nang magpalabas naman ng Kapasyahan ang pamahalaang lokal ng City of San Jose del Monte Bulacan na pinirmahan ni Mayor Arthur Robes.
Kaya ‘yung babaeng taga-Barangay na umano’y nambastos sa Grab rider na may bitbit na lugaw ay sinita, dahil ang lugaw ay mula sa Lugaw Pilipinas na matatagpuan sa Harmony Subd., Brgy. Muzon, SJDM.
Kaya naman itong babaeng taga-barangay na nanita sa Grab rider e dokumento ng lokal na pamahalaan ang hawak na ang isinasaad ay kabilang ang lugaw.
Puwede lamang mag-operate mula 5:00 ng umaga hanggang 6:00 ng hapon. Ibig sabihin, tama ang nanita, dahil ini-implement niya ang direktiba ng lokal na pamahalaan.
Naging mali lamang nang sabihin ng taga-barangay na non-essential ang lugaw at ‘di puwedeng mabuhay ang tao sa lugaw! Doon nasilat ang babaeng taga-barangay…
Pero ang ugat ng pagtatalo ay sinunod ng taga-barangay ang hawak na dokumento ng lokal, hindi ng nasyonal.
Teka nga… bakit nga ba gumawa pa ng direktiba ang administrasyon ni Mayor Robes noong 28 Marso, ‘e 27 Marso aprobado ng Inter-Agency Task Force ang resolusyon para sa isang linggong ECQ sa lalawigan ng Bulacan, kabilang ang SJDM.
Sabi noon daw kasi inianunsiyo ni Malacañang Spokesperson Harry Roque, na nasa desisyon ng mga lokal na pamahalaan kung gustong habaan o paigsiin ang oras ng curfew sa kanilang lugar kaya marahil ito ang sinunod ng lokal na pamahalaan ng SJDM.
Tama bang ibasura o balewalain ng lokal na pamahalaan ng SJDM ang utos ng nasyonal? ‘Yan po ang katanungan ng mga taga-SJDM.
Dami pa rin CoVid positive sa Bulacan, sa San Jose del Monte, maraming kalye ang naka-lockdown. Sa bahagi ng Francisco Homes, walang humpay ang sirena ng mga ambulansiya na ang mga crew ay pawang nakasuot ng PPE.
Dami rin kasing pasaway! Ang SJDM ay isang lugar na maraming relocation site noong araw kaya maraming tao at kadalasan na mga pasaway ay mga relocatees.
Dahil pinalawig muli ng isang linggo ang ECQ, sana naman, mga pasaway sumunod sa health protocols.
Bahay na lang ang pinaka-safe na lugar kaya stay at home na lamang tayo, kung walang importanteng lakad manahimik sa bahay, dahil ‘pag naging positibo ka sa CoVid, wala kang pera, mamamatay kang hindi paglalamayan sa halip ay susunugin ka na lang.
Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata