ni ROSE NOVENARIO
HABANG nagpapasasa sa karangyaan ang pamilya ni Soliman Villamin, Jr., a.k.a. Dexter Villamin ng DV Boer Farm at ipinagmamalaki sa social media, may mga kawani silang nagdildil ng asin dahil hindi nila pinasasahod.
Hindi lang sahod ang ipinagkait ng mga Villamin sa kanilang sampung empleyado kundi maging ang kanilang kontribusyon sa Social Security System (SSS), PhilHealth at Pag-ibig ay hindi binayaran.
Imbes ayusin ang kanilang atraso sa sampung manggagawa, nabatid na idinemanda sila ng DV Boer ng paglabag sa Cybercrime Prevention Act, Article 287 (Unjust Vexation) at Article 364 (Intriguing Against Honor) ng Revised Penal Code nang i-post nila sa social media ang panawagan kay Raffy Tulfo na tulungan silang makubra ang kanilang suweldo sa kompanya.
Hindi pa nakontento, sinampahan ng kaso ng DV Boer ang mga abang manggagawa sa piskalya ng Pasay City kaya’t kailangan pa nilang lumuwas mula sa Batangas upang makadalo sa pagdinig.
Maraming investors ng DV Boer ang nagulat nang mabalitaan ang sinapit ng mga obrero ni Villamin lalo nang malamang umabot sa P1.6 bilyon ang kapital ng kompanya noong 2019 mula sa P1 milyon noong 2016.
Anila, “kung kaya ng mga Villamin na ipagmalaki sa buong mundo ang magagara nilang bahay, kotse, yate, helicopter at mga pagbabakasyon sa ibang bansa, bakit hindi nila bayaran ang suweldo at benepisyo ng kanilang mga manggagawa?”
Napag-alaman, ang mga idinemandang obrero ni Villamin ay sa Public Attorney’s Office (PAO) sa Batangas lumapit para ipagtanggol sila laban sa DV Boer ngunit sanhi ng kakapusan, posibleng mahirapan dumalo sa mga pagdinig sa Pasay City dahil wala silang pasahe.
Ilang investors ang nagpahayag na ang panggigipit ng DV Boer sa kanilang mga empleyado ay upang takutin silang tumestigo laban sa kompanya lalo na’t may nalalaman sila sa operasyon nito.
Nahaharap sa mga kasong syndicated estafa at paglabag sa Securities Regulation Code sa iba’t ibang lugar sa bansa at sa National Bureau of Investigation (NBI) si Villamin.
Bago pa mangyari ang kinatatakutan nilang masadlak sa karsel, ilan sa mga miyembro ng pamilya Villamin na may mahahalagang posisyon sa DV Boer ay nanatili na sa Brazil noon pang 2019 sa tulong ng isang alyas Ingkong.
(May Karugtong)