LONG distance relationship, palitan ng maaanghang na salita sa social media, anxiety at iba pa ang ilan sa mga tinatalakay sa pelikulang Dito at Doon ng TBA Studios na pinagbibidahan nina Janine Gutierrez at JC Santos.
Ang Dito at Doon ay isang romance movie na napapanahon ang mga hugot ukol sa pandemic. Idinirehe ito ni JP Habac at isinulat nina Alexandra Gonzales at Kristin Parreno Barrameda. Ukol ito kina Len (Janine) at Cabs (JC) na maraming natutuhan habang lockdown. Si Len, natutong magluto, magtanim. Si Cabs isang frontliner, delivery rider, na naabutan ng lockdown kaya hindi nakauwi sa Cebu na naroon ang pamilya.
Sa digital media conference ng Dito at Doon pagkaraan ng virtual screening, nasabi ni Janine na sobra siyang naka-relate sa isang eksena nila sa pelikula. Ito ‘yung nagtanong sa kanya si Lotlot (na gumaganap ding ina niya sa pelikula at isang medical frontliner) ang pangalan ng bago niyang kaibigan na nagpapasaya sa kanya.
“Kinabahan ako eh. Mas kinabahan ako. Ewan ko ba. It was hard for me. I don’t know. Mas na-feel ko siya noong napanood ko na,” ani Janine. “Even kasi with my siblings, lahat kami ‘pag papasok si mama tapos parang alanganin ‘yung sitwasyon ‘yung kapatid ko umiyak o ganyan. So parang onscreen parang nakaka-affect siya for me. Pero while shooting it, parang kinakabahan ako. Parang tinulungan talaga ako ni direk JP sa eksena na ‘yun,” sambit pa ng aktres.
“Basta tinanong ako ng nanay ko kung sino ang bago kong kaibigan tapos ‘yung mukha niya ganito (ipinakita ni Janine ang hitsura ni Lotlot sa isang eksena nila sa pelikula). Ganoon talaga siya tumingin sa totoong buhay. Marami talagang naka-relate, so iba talaga ‘yung mga nanay noh. May psychic powers sila. Alam nila kapag mayroon kang iniibig. Kung makatingin ‘yung nanay iba talaga and ‘yung nanay ko ganyan talaga kaya medyo kinilabutan ako noong pinanood ko,” pagbabahagi pa ng dalaga.
Naibahagi rin ng dalaga ni Lotlot na masayang mahirap na nakasama niya sa pelikula ang kanyang ina. “It’s hard kasi nanay ko siya. Pero it was very fun. Na-appreciate ko na talagang ginawan niya ng paraan na magawa niya ‘yung pelikula sa schedule niya.
Samantala, muntik na palang maghanap ng ibang trabaho si JC noong unang lockdown dahil naisip niya kung makakapagtrabaho pa ba siya bilang artista. Makakapag-taping o shooting pa kaya sila.
“Umabot na ako na nagba-browse ako ng motor tapos sinabihan ko na ‘yung wife ko na, ‘Magluto ka, ilagay natin sa garapon, idi-deliver ko na.’
“Tapos pumunta na ako sa itigil ko kaya muna itong shooting- shooting? Kasi kailangan ko rin ng pambayad ng bills at future eh. Nag-worry ako ng kaunti. Pero parang isang araw lang naman dumating sa akin ‘yun. Tiisin ko pa kahit paano. So roon umabot ‘yung frustration ko. Pero ‘yung part na I have a newborn and I’m taking care of her, sobrang nagbago ‘yung mindset ko at saka ‘yung emotional side ko, ‘yun ‘yung good side na nangyari sa akin noong lockdown ng 2020,” ani JC.
Proud naman si JC sa Dito at Doon, “Noong napanood ko the first time sabi ko, ‘Hay salamat maganda ‘yung pelikula (laughs).’ Medyo natakot ako for a moment pero ayun pala, ang sarap ng feeling pagkatapos.”
At ang eksenang tumatak o nagustuhan niya ay ang, “May isang scene na tumatak talaga sa akin, may scene ‘yung frontliner na mom ni Len tapos hindi niya alam kung ano na ‘yung magiging resulta tapos nakaharap na lang siya sa laptop niya at hindi niya alam kung ano magiging reaction niya, hindi niya alam kung anong gagawin niya at wala na siyang magawa, nasa bahay lang siya. Pumunta na lang siya sa balcony. So, I think naka-relate ako roon sa part na ‘yun. What if nga naman, ano maging reaction ko kung mayroon talaga akong family na nagkaroon or magiging suspect? Naiiwan ka sa ere tapos hindi mo alam kung ano magiging reaction mo,” esplika pa ni JC.
Mapapanood na ang Dito at Doon simula bukas, March 31 sa ilang streaming platforms tulad ng ktx.ph, Cinema ’76 @ Home, iWant TFC, Upstream, at Ticket2Me.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio