POSIBLENG makalusot sa anomang kaso ang aktor na si Mark Anthony Fernandez sa kanyang pagpapabakuna kontra CoVid-19 sa Parañaque City.
Ito ang inamin ng Department of Interior and Local Government (DILG) matapos konsultahin ang kanilang legal department sa maaaring pananagutan ng aktor.
Ayon kay Usec. Epimaco Densing, walang batas ang maaaring gamiting kaso laban kay Fernandez matapos siyang sumingit sa mga babakunahan.
Kung mayroon man dapat managot, ito ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Parañaque na nagbigay ng bakuna sa aktor.
Tinukoy ni Densing na posibleng kasuhan ang City Health Officer at ang alkalde na si Edwin Olivares dahil sila ang mga supervisory personnel sa pagtuturok ng CoVid-19 vaccine.
Una nang inamin ng lokal na pamahalaan ng Parañaque na nabakunahan ang nasabing aktor dahil kasama sa qualified substitute ng mga umatras sa priority list ng mga babakunahan. (ALMAR DANGUILAN)