NAGHIHIMUTOK ang mga magulang na nagpapaaral ng mga anak sa private schools.
Tila hindi raw nakikita ng school owners or administrations ang epekto ng pandemya lalo sa mga magulang na nagpapaaral sa mga eskuwelahang matagal na rin naman nilang ‘pinayayaman.’
Ang isa sa mga himutok at daing ng mga magulang, hindi pa natatapos ang school year, heto at nananawagan na ipa-enrol na ang kanilang mga anak.
At ‘yun nga, kailangang buo pa rin ang tuition fee gaya noong normal pa ang panahon.
Hindi ba’t sa online classes ay mas malaki ang disbentaha ng mga estudyante?
Sa online classes kasi ay hindi talaga natututukan ng teachers ang bawat isa sa kanilang estudyante. E kasi nga ‘virtual classes’ ‘yan.
Sa ‘new normal’ schooling malaki ang natitipid ng mga eskuwelahan. Less ang maintenance. Less ang koryente, less ang water consumption, at puwede sigurong once a week lang ang paglilinis sa classrooms.
‘Yung suweldo ng kanilang mga empleyado, teachers at iba pang staff or personnel for sure naman ay kuhang-kuha na sa tuition fee ng mga estudyante.
Hindi naman natin sinasabing, gawing kalahati ang tuition fee ng mga estudyante.
‘Yung bawasan man lang nila ng 20 percent ay malaking bagay na lalo’t tiyak na maraming nagtatrabaho o nagnenegosyong magulang ang naapektohan din ng pandemya.
Palagay naman natin ‘e hindi na kailangan pang dumaing ang mga magulang bago bawasan ang tuition fee.
Ramdam naman siguro ng school owners or administrations ang bigat ng kabuhayan ngayon.
Kaunting consideration lang po nag hinihingi, kaysa naman lumipat pa sa ibang school ang mga estudyante.
‘Yan siguro ay isang makabuluhang aksiyon ng mga pribadong paaralan at makadaragdag ng respeto sa kanila ng buong academic community.
Umpisahan n’yo na!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap