DUMAYO para magbenta ng damo ang dalawang tulak na nabisto nang makuhaan ng mahigit sa P300,000 halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana sa isinagawang buy bust operation sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Jerich Frane Hernadez, 19 anyos, at Lloyd Paloyo, 21 anyos, kapwa residente sa Brgy. Buting, Pasig City.
Ayon kay P/Cpl. Elouiza Andrea Dizon, dakong 7:00 pm nang magsagawa ang mga operatiba ng Northern Police District (NPD) District Drug Enforcement Unit (DDEU) sa pangunguna ni P/Maj. Jerry Garces sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Lt. Col. Macario Loteyro ng buy bust operation laban sa mga suspek sa loob ng Victory Mall Parking Lot sa Brgy. 72 ng nasabing lungsod.
Nakapagtransaksiyon sa mga suspek ni P/Cpl. Ferdinand Azis Dansal na nagpanggap na buyer ng P19,500 halaga ng marijuana.
Matapos tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng marijuana, agad silang dinamba ng mga operatiba.
Nakompiska sa mga suspek ang tinatayang tatlong kilo ng pinatuyong marijuana with fruiting tops, buy bust money na binubuo ng isang P500 bill at 19 pirasong P1,000 boodle/money, asul na eco bag at cellphone.
Matagal nang sinusubaybayan ang mga suspek dahil sa pagbebenta ng marijuana sa nasabing lungsod na isinasagawa sa loob ng mall.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). (R. SALES)