PATAY ang 42-anyos truck helper, nang mabagsakan ng kumalas na steelbar sa backhoe, sa isang construction site sa Barangay Old Balara, Quezon City, nitong Linggo ng umaga.
Ang biktima ay kinilalang si Jojit Canale Cabulit, 42, may asawa, helper ng Golden Express at residente sa Bldg, 8 Unit 501, Manggahan Residence, Barangay Sta. Lucia, Pasig City.
Agad pinigil si Ricardo Tanteo Tapel, 67 anyos, may asawa, backhoe operator, ng Multi-System Construction and Development Corp., at naninirahan sa Pitpitan Street, Medtown Subdivision, Barangay San Roque, Marikina City.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang-7:37 am nitong 21 Marso, nang maganap ang insidente sa construction site sa loob ng MWSS Compound, Katipunan Road, Barangay Old Balara, Quezon City.
Sa imbestigasyon ni P/Cpl. Jacky Dela Peña, ng QCPD Anonas Police Station-9, ang biktimang si Cabulit ay truck helper ng Golden Express na nagdedeliber ng mga bakal o steel bars para sa dagdag suporta sa konkretong estruktura ng itinatayong konstruksiyon na pinangangasiwaan ng Multi-System Construction and Development Corp., habang si Tapel ang backhoe operator.
Ayon sa report, ang biktima, kasama ang isang kinilalang si Ronilo Ocaya, ay nasa tuktok ng delivery trailer truck, at inaasistihan si Tapel sa pagbaba ng steel bars gamit ang backhoe.
Pero habang ibinababa ang bungkos ng steel bars na binubuhat ng backhoe, dumulas ito hanggang dumeretso sa kinatatayuan ng biktima dahilan upang bumagsak sa semento.
Agad namatay sa lugar ang biktima kaya agad iniulat sa mga opisyal ng Barangay Pansol na tumawag sa himpilan ng pulisya.
Sinabi ng Scene of the Crime Office (SOCO) team, pinamumunuan ni P/Lt. John Agtarap, ang grabeng pinsala sa ulo ang ikinamatay ng helper.
Ang senior citizen na nagtatrabaho bilang backhoe operator ay kasalukuyan nang nakapiit sa Anonas Police Station habang inihahanda ang kasong Reckless Imprudence Resulting in the Death of a Male Person. (ALMAR DANGUILAN)