ENHANCED community quarantine (ECQ), modified community quarantine (MECQ), general community quarantine (GCQ), modified general community quarantine (MGCQ), at ngayon naman ay NCR Plus Bubble.
Iba’t ibang termino ‘yan na kung susumahin ay iisa lang naman ang ibig sabihin — LOCKDOWN sa sambayanan!
At ‘yan ang hindi natin maintindihan. Coined-terms para pagaanin ang LOCKDOWN. Mga proseso umano ng iba’t ibang antas ng pagkilos ng mga mamamayan sa ilalim ng pandemya.
‘Yan ay sa estilo ng Duterte administration.
Bukod pa riyan ang paglikha ng iba’t ibang ahensiya. May Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID); may National Task Force (NTF); mayroon pang testing czar, contact tracing czar, at iba’t ibang klase ng posisyong wala namang ginawa kundi asarin lang sa paasa ang sambayanan.
Paasa, kasi noong unang sigwa ng laban sa CoVid-19, ang daming testing centers na lumabas pero lahat pala may bayad.
At sa kabila ng maraming panawagan na magsagawa ng mass testing, hindi ito tinugunan ng pamahalaan.
Bukod sa walang mas testing, ginawang timawa at pinaasa sa ayuda system ang mahihirap na mamamayan, pero sa awa ng mga ‘panginoong’ sinasalanta ng CoVid-19, halos mag-iisang taon na ang pananalasa ng pandemya bago pa napasakamay ng iilan ang ayuda mula sa Social Amelioration Program (SAP).
E ang bakuna? Bakit hanggang ngayon paasa pa rin?
Wattafak!
At ngayon nga heto na — ang terminong NCR Plus Bubble — parang sugar-coated na bubble gum ‘este katawagan para pagtakpan ang kapalpakan ng CoVid response ng mga ‘henyo’ sa pamahalaan.
Hindi lang ‘yan, sinisi pa ang sambayanan na puro raw ‘pasaway.’
Hello?! Sino ba ang nagkalat at nagkakalat ng CoVid-19 sa ating bansa?!
Paki-check lang po ang mga datos ninyo!
Sabi nga ni dating vice president Jejomar Binay, sa realidad ay lockdown ang ‘bubble’ na bagong terminong naimbento ng pamahalaan upang pagtakpan ang pagkabigo, kapabayaan, at kawalan ng kakayahan sa pagtugon laban sa CoVid-19.
“What’s in a name? The so-called ‘bubble’ is in reality a lockdown. But government won’t call it a lockdown because it will be an admission of their failure, neglect, and incompetence. Blaming the people,” tweet ni Binay kahapon.
Sa madaling sabi, sandamakmak man ang mga czar na nakaaasar, at kahit kung ano-ano pang coined terms ang ilabas ng pamahalaan — iisa lang ang katotohanan –— bigo ang Duterte administration laban sa CoVid-19.
Isang virus na mas kaunti ang casualties kompara sa Spanish flu noong 1918, pero bilyon-bilyong dolyares ang inutang ng gobyernong Filipino…
Ang malungkot, hanggang ngayon, nganga sa pagtugon laban sa CoVid-19 ang pamahalaang Duterte.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap