ANIM katao ang inaresto, pawang hinihinalang mga tulak at gumagamit ng shabu kabilang ang isang company messenger at dalawang babae na naaktohan ng mga nagrespondeng pulis habang nakikipagtransaksiyon ng ilegal na droga sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Navelle Tanjuan, 31 anyos; Mandel Cuenca, 34 anyos; Arwin Gallardo, 36, company messenger; Joseph Aninon, 30; Girlie Cruz, 31; at Ronaldo Razon, 37 anyos, pawang residente sa Barangay 28 ng nasabing lungsod.
Ayon kay Caloocan City Police chief, Col. Samuel Mina, Jr., dakong 8:05 pm nang makatanggap ng tawag sa telepono ang duty desk officer ng Tuna Police Sub-Station 1 mula sa concerned citizen at ipanalam ang hinggil sa nagaganap na transaksiyon ng ilegal na droga sa Block 18, Talaba Alley, Brgy. 28.
Agad nagresponde ang mga pulis sa naturang lugar upang alamin ang naturang ulat at doon naaktohan ang apat na lalaki at dalawang babae na nagpapalitan ng isang maliit na plastic sachet ng hinihinalang shabu dahilan upang arestohin ang mga suspek.
Nakuha kay Tanjuan at Gallardo ang tig-isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P680 ang halaga bawat isa, dalawang plastic sachet ng hinihinalang shabu na nasa P1,360 ang halaga ang nakuha kay Cuenca; tig-isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na nasa P17,000 ang halaga ng nasamsam kay Cruz at Aninom; habang tatlong plastic sachets ng hinihinalang shabu na nasa 12 gramo at tinatayang nasa P81,000 ang halaga ng mga nakompiska kay Razon.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang mga suspek.
(ROMMEL SALES)