DAHIL isang politiko ang papel ni Gardo Versoza sa top-rating GMA series na First Yaya bilang si Speaker of the House Luis Prado, tinanong namin ang actor kung wala ba siyang planong tumakbo sa eleksiyon sa susunod na taon.
Dati na namin itong itinanong kay Gardo at tulad ng sagot niya dati, ayaw niyang tumakbo sa anumang puwesto kahit may mga humihikayat sa kanya,
“Hindi ako talaga … parang masaya na ako na, like roon sa bike group namin kahit nag-aambag-ambagan lang, may natutulungan kayo, kaysa ‘yung parang, kumbaga maraming mga eksplanasyon,” paliwanag ni Gardo.
Paano naman kapag may mga politico o presidentiable candidates na lalapit sa kanya para iendoso o ikampanya niya sa pamamagitan ng sikat at viral na Tiktok account ni Gardo, papayag ba siya?
“Alam n’yo ‘yung sa ngayon, para kasing siguro kung mapapayag man, parang mayroon din akong paglalaanan kung sakali, eh. Kasi like parang in the past medyo hindi ako gaanong ano kasi nga mahirap dahil parang, ‘di ba ‘pag may sinuportahan ka kailangan talagang buong-buo ‘yung pagkabilib mo sa kanya, eh.
“So sa ngayon parang if ever man na kung may lumapit, and then parang magkasundo kayo, parang automatic ‘yun, like kung hindi man parang institusyon na ano, may mapupuntahan kaagad kumbaga ‘yung ano kung sakali.”
Kung ‘if the price is right?’
“Oo parang sa ngayon kasi wala na eh, kumbaga, parang sa ayaw mo’t sa gusto, hindi mo na basta-basta mababago ‘yung sistema, ‘di ba?”
Rated R
ni Rommel Gonzales