MAHIGIT 100 mag-aaral na Grade 1, mga magulang, at mga guro ang tinutulungan ng Globe na magkaroon ng internet connection para makasabay sa bagong pamamaraan ng pagtuturo na ipinapatupad ngayon sa lahat ng paaralan sa bansa.
Nakikipagtulungan ang Globe sa Knowledge Channel Foundation Inc. (KCFI), ABS-CBN, at Mary’s Way Foundation sa pamamagitan ng Big Blue Hearts Campaign para mabigyan ng libreng internet access ang mga mag-aaral.
Sa ilalim ng proyekto, nakalikom ng sapat na halaga ang KCFI, ABS-CBN, at Mary’s Way Foundation para mabigyan ang 102 mga mag-aaral at guro ng Balibago Elementary School at Sta. Rosa Elementary School 1 at 3 ng Globe At Home Prepaid WiFi (HPW) modems.
Sa kabilang banda, sinagot naman ng Globe ang libreng data load ng HPW sa loob ng anim na buwan. Sa tulong nito, maipagpapatuloy ng mga estudyante sa Grade 1 ang kanilang mga klase at ma-aaccess pa nila ang mga video ng Knowledge Channel at Basa Bilang habang nasa kanilang mga tahanan.
“Sa panahon ngayon, kinakailangang online ang mga estudyante para tuloy-tuloy ang kanilang pag-aaral. Nais lamang ng Globe, bilang isang technology company, na gawin ang bahagi nito para mabigyan ang mga bata ng access sa mga learning resources,” ani Yoly Crisanto, Globe Chief Sustainability Officer at SVP for Corporate Communications.
Mayroon ding sariling pagsisikap ang Globe na matulungan ang mga guro sa pagtuturo ng Early Language Literacy sa mga bata sa pamamagitan ng mga webinar ng Global Filipino Teachers.
Ayon kay KCFI President at Executive Director Rina Lopez-Bautista, ”Marami sa mga bata ang nahihirapan maka-adapt sa remote learning. Isa ito sa mga rason kung bakit binuo namin ang Big Blue Heart Campaign kasama ang Globe Telecom, Mary’s Way Foundation, at ABS-CBN. Nais naming matulungan sila na mapaunlad pa ang kanilang kakayahan sa pagbasa. Nais din ng KCFI na maipagpatuloy pa ang programa sa mas mahabang panahon. Kaya lamang, dahil sa pandemya, hindi namin agad-agad magawa ang programa dahil sa kakulangan ng connectivity.”
Inilunsad ng KCFI ang Basa Bilang project noong 2018 para mapaunlad pa ang kakayahan sa pagbasa at aritmetik ng mga mag-aaral sa mababang baitang sa pamamagitan ng panonood ng mga animated at live action videos na nakabatay sa curriculum ng Department of Education (DepEd). Tinutulungan ng KCFI na mabuo ang pundasyon ng mga mag-aaral sa pagbabasa, mathematics, at pagsasalita — mga pangunahing aspeto para mahasa ang educational development ng bata.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio