ni ROSE NOVENARIO
ALAM kaya ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nahaharap sa santambak na reklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) at ilang syndicated estafa cases ang DV Boer Farm Inc., ni Dexter Villamin pero pinayagan pa rin na sumawsaw sa ilang proyekto ng militar?
Tanong ito ng libo-libong biktima ng agri-based investment scam ng DV Boer nang matunghayan ang mga larawan sa Facebook post ni Villamin sa kasagsagan ng CoVid-19 pandemic noong 2020.
Ibinahagi ni Villamin sa kanyang FB ang artikulo kaugnay sa ceremonial signing ng partnership documents ng Tanay local government unit at ilang private farm owners noong 22 May 2020 sa Camp Capinpin sa Tanay, Rizal, kampo ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army na pinamumunuan ni Maj. Gen. Arnulfo Marcelo Burgos, Jr.
Layunin umano ng pakikipagtambalan ng militar, LGU at private farm owners kay Villamin na suportahan ang Balik Probinsya Program ng national government na nagsusulong ng kabuhayan at pagsasaka sa kanayunan ang mga uuwi sa kanilang lalawigan mula sa Metro Manila.
“Per the programs’ concept, the Department of Agriculture and Department of Science and Technology will sanction the undertaking in line with President Rodrigo Duterte’s call for a whole of nation approach in addressing the various problems which the country is, and will be, facing,” ayon sa press release ng okasyon na lumabas sa ilang pahayagan.
Pahayag sa press release, “Mr Dexter Villamin, the President and CEO of DV Boer Farms which is also known as “The People’s Farm” said that food security should be ensured so that greater problems such as hunger and civil disobedience can be prevented as those are the problems that might arise as a result of the measures which were set in place to contain the current global crisis.
“As agri-business, we feel that it is our civic responsibility to help the government avert such problems not only by providing food but also by empowering and giving our people the ability to grow their own food during, and even beyond, the current health crisis,” ani Villamin.
Nagpasalamat si Tanay Mayor Rex Manuel Tanjuatco sa 2nd ID at DV Boer Farms International “for being a consistent and reliable partner of the people of Tanay.”
Nais umanong palawakin ng militar ang naturang programa sa buong Timog Katagalugan.
Ang kontrobersiyal ‘red-tagger’ at tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na si Maj. Gen. Antonio Parlade, Jr., ang pinuno ng Southern Luzon Command.
(May karugtong)