TATLONG araw isinailalim sa lockdown ang central office ng National Police Commission (Napolcom) ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Quezon City nang magpositibo sa CoVid-19 ang ilang kawni ng ahensiya.
Ayon kay Napolcom vice chairman at executive officer Vitaliano Aguirre II, ang lockdown ay sinimulan nitong Miyerkoles, 17 Marso, at magtatagal hanggang sa Biyernes, 19 Marso.
Habang nakasara, isasailalim ang tanggapan sa disinfection at magsasagawa ng contact tracing activity.
Sa kabila ng lockdown, tuloy pa rin ang trabaho ng mga personnel ng Napolcom na nasa ilalim ng work-from-home status.
Para sa mga kliyente na ang transaksiyon ay magsumite ng dokumento, sinabi ng Napolcom na mayroon silang isang receiving personnel mula sa kanilang Personnel and Administrative Service na maaaring tumanggap ng mga dokumento sa G/F lobby ng tanggapan.
Maliban dito, wala nang iba pang transaksiyon na aasikasohin sa nasabing panahon.
Inaasahang magbabalik ang operasyon ng DILG-Napolcom Center sa Lunes, 22 Marso 2021. (ALMAR DANGUILAN)