ISINAILALIM sa granular lockdown ang barangay hall ng Brgy. San Jose sa Navotas City simula 12:00 am ng 16 Marso hanggang 11:59 pm ng 20 Marso.
Ayon kay Mayor Toby Tiangco, isinailalim na rin sa RT-PCR swab test ang lahat ng mga opisyal at kawani ng barangay para sa kanilang kaligtasan at sa kaligtasan ng kanilang mga nasasakupan.
“Ang pagpapa-swab test sa lahat ng mga opisyal at kawani ng lahat ng mga barangay ay bahagi ng ating pagsisikap na mapigilan ang posibleng pagdami pa ng mga kaso ng CoVid-19 sa ating lungsod at upang maproteksiyonan ang ating mga barangay workers at mga mamamayan,” pahayag ni Tiangco.
Hinikayat ng alkalde ang bawat Navoteño na maging responsable sa kanilang kalusugan at gawin ang makakaya para maiwasang mahawaan ng CoVid-19.
Paalala niya, siguruhing nakasuot nang tama ang face mask at face shield, susunod sa 1-2 metrong social distancing, naghuhugas o laging nagdi-disinfect ng mga kamay, at lumalabas lamangn ng bahay kung kinakailangan.
“Sa pag-iingat po natin sa ating kalusugan, napoprotektahan din natin ang ating kakayahang makapaghanapbuhay,” dagdag niya.
Nitong 6:00 pm, 16 Marso 2021, umabot sa 6,917 ang tinamaan ng CoVid-19 sa lungsod, 759 ang active cases, 5,949 ang mga gumaling at 209 ang namatay. (R. SALES)