SA UNANG ARAW ng pagpapatupad ng curfew hours, umabot sa 819 katao ang naaresto ng pinagsanib na puwersa ng Department of Public Order and Safety (DPOS), Quezon City Police District (QCPD), Task Force on Transport and Traffic Management, at Task Force Disiplina sa lungsod, nitong Lunes ng gabi.
Ang mga inaresto ay dinala sa kanilang mga barangay at inisyuhan ng Ordinance Violation Receipt (OVR) at kailangan magbayad ng multa sa loob ng limang araw. Kapag hindi agad nakapagbayad sa itinakdang petsa ay kakasuhan ang mga violator sa City Prosecutor’s Office at lilitaw ito sa kanilang police clearance.
Sa ilalim ng Ordinances SP-2928 S-2020 at SP-2957, S-2020, ang mahuhuling lumabag sa ipinatutupad na ‘public safety hours’ at walang face masks sa mga pampublikong lugar ay pagmumultahin ng P300, P500, at P1,000, para sa una, ikalawa at ikatlong paglabag.
Ngunit sa ilalim ng Ordinance SP-2963 S-2020, ang mga lalabag sa public safety hours ay may katumbas na isang buwang pagkakulong at/o pagmumultahin ng P1,000 sa third offense.
Ang mga minor o nasa edad 18 anyos pababa na mahuhuling lalabag sa ordinansa ay pananagutin ang mga magulang o guardians.
“Kahit na nagkaroon ng curfew, marami pa rin ang hindi sumusunod. Gayon man, patuloy pa rin tayong magsasagawa ng operations para maiwasan ang lalong pagdami ng kaso ng COVID-19,” ayon kay DPOS head Ret. Gen. Elmo San Diego.
Nitong 14 Marso, naglabas si Mayor Joy Belmonte ng supplemental guidelines upang maiwasan ang hawaan ng virus sa mga kabahayan, lugar ng mga pinagtatrabahuan at mga establisimiyento, epektibo nitong 15 Marso.
“Paulit-ulit po tayong umaapela sa ating mga mamamayan na sumunod sa ating minimum health protocols, liquor ban, and curfew hours. Ito po ay ginagawa natin para sa kaligtasan ng bawat isa. Andyan pa po ang virus, at patuloy na kumakalat kung hindi tayo mag-iingat. Kailangan natin panatilihin ang disiplina para mabawasan natin ang hawaan,” apela ng QC Mayor. (ALMAR DANGUILAN)