ni ROSE NOVENARIO
PINAKIKILOS ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang National Prosecution Service upang atasan ang lahat ng piskal sa buong bansa na ikonsolida ang lahat ng reklamo laban sa DV Boer Farm, Inc., ni Dexter Villamin.
Inamin ni Guevarra, may mga isinagawang imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa mga reklamong inihain laban kay Villamin at nakapagsampa ng mga kasong syndicated estafa at paglabag sa Securities Regulation Code sa mga piskalya sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Ang alam ko riyan ay matagal nang naimbestigahan iyan ng NBI. At ang NBI ay nakapag-file na ng appropriate complaints for syndicated estafa and for, I think, violation on Securities Regulation Code. At iyang mga complaints na iyan have been lodged with various field offices ng National Prosecution Service, nasa iba’t ibang prosecutor’s offices na iyan,” ani Guevarra sa virtual Palace Press Briefing kahapon.
Batay sa ulat na nakarating sa Kalihim, isang Ponzi-type scheme ang kinasangkutan ng DV Boer pero iginiit niya na walang katotohanan na may impluwensiya sa DOJ si Villamin o sa mga piskal.
“I don’t even know who this Villamin is so I wonder kung ano iyong sinasabi niya na mayroon siyang influence over DOJ prosecutors or investigators. Many event itong alleged scam, I don’t know if it was really scam ‘no but apparently parang ang allegation ay Ponzi-type of scheme ito ‘no involving this firm known as DV Boer Farm, Inc., or something like that,” giit niya.
Batay sa investor.gov, ang website ng US Securities and Exchange Commission, ang Ponzi scheme “is an investment fraud that pays existing investors with funds collected from new investors.”
“Ponzi scheme organizers often promise to invest your money and generate high returns with little or no risk. But in many Ponzi schemes, the fraudsters do not invest the money. Instead, they use it to pay those who invested earlier and may keep some for themselves.”
May maliit o walang lehitimong kita, ang Ponzi schemes ay nangangailangan ng tuloy-tuloy na daloy ng puhunan upang maka-survive.
Kapag nahirapan nang maka-recruit ng bagong investors o kapag maraming investors nito ang nagbawi ng puhunan, ang ganitong uri ng iskema ay bumabagsak.
Ang Ponzi schemes ay hango sa pangalan ni Charles Ponzi, na nanloko ng investors noong 1920s sa isang postage stamp speculation scheme.
“Siguro baka ang kailangang gawin dito ‘no, apart from telling the prosecutors to expedite the resolution of their investigation ay, I will have to take a look at the necessity or the need to consolidate itong investigation o itong preliminary investigation being conducted by the field offices na ma-consolidate in the DOJ proper to avoid the possibility of conflicting resolutions ng various OCP,” ani Guevarra.
Kakausapin ni Guevarra ang Prosecutor General upang pagsama-samahin ang lahat ng preliminary investigation na isinasagawa kaugnay sa DV Boer at ikokonsolida sa DOJ.
May mga ulat na ipinagmamalaki umano ni Villamin na may malawak siyang impluwensiya sa mga ahensiya ng pamahalaan gaya ng DOJ, Congress, Department of Agriculture (DA), Department of Science and Technology (DOST), Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at maging sa media.
“I have not discussed this with the Prosecutor General but since you raised the point, I will probably consider the idea of requesting or suggesting to the Prosecutor General that all of these preliminary investigations happening in various offices in Metro Manila or elsewhere be consolidated with the DOJ proper,” sagot ni Guevarra sa umano’y ‘kapit’ ni Villamin sa gobyerno.
Nauna rito’y dumistansiya si Agriculture Secretary William Dar sa DV Boer kahit inendosong katuwang ng DA sa ilang proyekto ng kagawaran ni dating Undersecretary Ranibai Dilangalen.
Katuwiran ni Dar, dinatnan na niya ang problema at hindi pa siya kalihim ng DA noong undersecretary si Dilangalen ng kagawaran.
Hinimok ni Dar ang libo-libong mga biktima ng multi-bilyon pisong grand investment scam ng DV Boer Farm Inc., na sampahan ng kaso si Villamin.
Kaugnay nito, nanawagan si Presidential Spokesman Harry Roque kay Guevarra na mapabilis ang imbestigasyon sa DV Boer dahil isang pinsan niya ang naging biktima ng kompanya.
“If I may add, Secretary. Iyong aking pinsang buo ay naging biktima rin diyan, sana po talaga ay mapabilisan iyong pag-iimbestiga diyan,” sabi ni Roque kay Guevarra sa press briefing kahapon.
(May Karugtong)