ni ROSE NOVENARIO
HINIMOK ni Agriculture Secretary William Dar ang libo-libong biktima ng multi-bilyon pisong grand investment scam ng DV Boer Farm Inc., na sampahan ng kaso ang may-ari nitong si Soliman Villamin, Jr., a.k.a. Dexter Villamin.
“They just have to bring him to court,” ani Dar nang tanungin ng media sa Laging Handa Public Briefing noong Biyernes kung ano ang maitutulong ng DA sa mga biktima ni Villamin lalo na’t inendoso ni dating Agriculture Undersecretary Ranibai Dilangalen ang DV Boer Farm Inc., bilang katuwang ng kagawaran noong 2018.
Dumistansya si Dar sa ginawa ni Dilangalen dahil hindi pa umano siya kalihim ng DA nang gawin iyon ng dating undersecretary.
Giit niya, dinatnan na niya ang naturang ‘problema’ nang maluklok bilang DA secretary noong 5 Agosto 2019 kapalit ni Emmanuel Piñol.
“Wala kaming kaugnayan diyan. Nadatnan ko na iyan na problema, so we disassociated ourselves with him,” paliwanag niya.
Hindi nagustohan ng ilang biktima ni Villamin ang sagot ni Dar sa kanilang kinasadlakang problema lalo na’t marami umano sa kanila ang nahikayat na maglagak ng puhunan sa DV Boer bunsod ng tambalan ng kompanya ni Villamin sa Agriculture department.
“May problema na raw pero hinayaan niyang i-promote ng ahensiya niya, saan sila nanghiram ng kapal ng mukha or alam ba nila ‘yung ibig sabihin ng accountability or responsibility >Ø—Ý? To be Frank ‘yun ang nag-trigger sa ‘kin para mag-invest bcoz of agency’s in gov’t like nat’l dairy personal ko pong nakausap ang opisyal nila doon way back 2017 pinupuri nila ito sa harap ko, hayop sana maubos kayo atakehin isa-isa ma-paralize habang buhay sa ginawa n’yo sa amin,” galit na pahayag ng isang biktima ng DV Boer.
“Mr. Aljo Bendijo, since wala naman po kayong nakuha matinong sagot kay Mr. Dar at mukhang walang alam na makatutulong sa mga nabiktima, puwede n’yo po bang tanungin si Dex Villamin nang deiretso, kung saan-saan napunta ang aming pera (correction po pala multi-bilyon po ang nasa diaryo hinde lang po milyon)… maraming salamat po,” anang isa pang biktima ni Villamin patungkol kay Bendijo na nagbasa ng tanong ng media kay Dar sa LH public briefing sa PTV-4.
Matatandaan si Bendijo ang katambal ni Villamin sa teleradyo ng state-run Radyo Pilipinas na pinamagatang Magsasaka sa Radyo.
“Mr. Bendijo alam kong malapit kayo kay Mr Dexter Villamin dahil ilang beses n’yo siyang na-guest dahil sa ‘paiwi’ sana this time muli n’yo siyang imbitahan at ipaliwanag kung nasaan ang pera ng mga taong niloko n’ya,” panawagan kay Bendijo ng isa pang nagoyong investor ni Villamin.
Ang PTV host at newscaster na si Dianne Querrer ay naging co-host din ni Villamin sa isang agri-based program sa government-run television station at ilang beses din nagsilbing emcee sa mga pagtitipon ng DV Boer Farm.
Hindi pa nakukuha ng HATAW ang panig ng PTV personalities sa naging kaugnayan nila kay Villamin.
Habang ang PTV production coordinator na si Elena Empaz na umano’y naging kontak ni Villamin sa state-run television network ay hihingan din ng panig ng Hataw.
Si Villamin at ilan sa kanyang mga kapamilya ay sinampahan ng iba’t ibang kaso sa korte at mga reklamo sa National Bureau of Investigation (NBI).
Samantala, ang sumbong kay Pangulong Rodrigo Duterte laban kay Villamin ay inendoso na sa Department of Justice (DOJ) ng Office of the President.
(May Karugtong)