MAHIGPIT ang kautusan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na ipatupad ang public safety hours sa lungsod.
Ang public safety hours, mula 10:00 pm hanggang 5:00 am, ay sisimulang ipatupad ngayong 15 Marso 2021 sa Metro Manila, alinsunod sa napagkasunduan na unified curfew hours ng Metro Manila Council (MMC).
Kaugnay nito, mahigpit na ipatutupad sa lungsod mula 15-31 Marso 2021, ang alternative work schedule at liquor ban.
Mahigpit rin ang implementasyon sa pagsasara ng mga dine-in, sari-sari stores, market, talipapa, at vending sites mula 10pm-5am.
Sarado rin ang gyms, spa, at internet cafe, sa loob ng dalawang linggo.
Hinihikayat ng lokal na pamahalaan ang mga negosyo na gamitin ang KyusiPass para sa maayos na contact tracing ng lungsod.
Matatandaang nagkasundo ang metro mayors na pahabain muli ang curfew hours sa kani-kanilang nasasakupan upang mapigilan ang pagdami ng naitatalang kaso ng coronavirus disease 2019 (CoVid-19).
Ginawa itong unified o pare-pareho upang hindi magdulot ng kalitohan sa mga mamamayan na nakatira sa ibang lugar at nagtatrabaho sa ibang lugar. (ALMAR DANGUILAN)