MAY paraan si Kate Valdez na pangalagaan ang kanyang mental health ngayong Covid-19 pandemic.
Hindi naman kasi talaga naiiwasan na maging “magulo” ang isip ng karamihan dahil sa masasabing “kakaiba” at nakatatakot na sitwasyon nating lahat dahil sa coronavirus.
“Ngayong may pandemic, hindi maiiwasan na magkaroon ng anxiety,” umpisang pahayag ni Kate.
“It’s really important to watch out for your thoughts and feelings.
“I am grateful for my family and friends for being there for me.
“Siyempre, importante rin ang pagdarasal,” sabi pa ng magandang Kapuso actress.
May maipapayo si Kate sa mga millennial na tulad niya para manatiling maayos ang isip at katawan ngayong pandemya.
“Ang payo ko po sa kanila ay don’t be afraid to seek or ask for help, talk to their family or someone close to them.
“Important ‘yung may nakakausap ka. Puwede ka ring gumawa ng mga bagay na hindi mo pa nagagawa dati at kumain ng mga masusustansyang pagkain, at mag-exercise.”
Siyempre pa, lahat ng tao ay excited na makabalik sa normal na pamumuhay, makapunta saan man natin gustong makarating. Kapag normal na ang lahat, kapag wala ng travel restrictions, saang lugar unang gustong pumunta ni Kate at bakit?
“Siguro sa beach dahil sanay akong nasa bahay lang. Gusto kong bumisita sa beach.”
Sumabak si Kate at mga co-star niyang tulad nina Barbie Forteza, Migo Adecer, Snooky Serna, at Dina Bonnevie sa lock in taping ng Anak Ni Waray Vs Anak Ni Biday at may mga safety and health protocol na sinunod nila sa pagtatrabaho sa panahon ng pandemya?
“Dahil nga new normal na ngayon, may safety protocols po kaming sinusunod during taping like wearing mask and face shield, laging mag-alcohol or disinfect, and siyempre mag-social distancing.”
Magtatapos this week sa GMA ang Anak Ni Waray Vs Anak Ni Biday at papalitan ito ng First Yaya nina Sanya Lopez, Gabby Concepcion, Cassy Legaspi, Joaquin Domagoso, Gardo Versoza, Pancho Magno, at Ms. Sandy Andolong at marami pang iba.
Rated R
ni Rommel Gonzales