NAGBABALA ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na kakastigohin ang mga pasaway na Local Government Units (LGUs) na hanggang ngayon ay hindi tumatalima sa ipinatutupad na resolusyon ng Inter-Agency Task Force on CoVid-19.
Sinabi ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya, maglalabas ang ahensiya ng isang memorandum circular na nagmamandato sa LGUs na sumunod sa uniform travel protocols na itinatakda ng IATF.
Binigyang diin ni Malaya na kapag nailabas ang memorandum circular at mayroon pa rin LGUs na hindi tumatalima ay iisyuhan sila ng ‘show cause order.’
Ito’y dahil may ilang LGUs ang hindi tumatalima sa protocols na nakasaad sa Resolution 101 na inisyu ng task force.
“The DILG will release a memorandum circular implementing IATF Resolution 101… Once it is released and there are still non-compliant LGUs, and there may be some, then the DILG will be forced to issue a show cause order,” giit ni Malaya sa isang online briefing nitong Huwebes.
Hinikayat ni Malaya ang LGUs na tumalima upang hindi maharap sa kasong maaaring isampa ng DILG.
Sa ilalim ng resolusyon, ang mga biyahero ay hindi na kinakailangan pang sumailalim sa CoVid-19 testing maliban kung ire-require ng LGU.
Ang quarantine ay hindi na rin ipatutupad maliban kung makikitaan ng sintomas ng sakit ang pasyente sa pagdating sa kanyang destinasyon, habang ang travel authority at health certificates ay hindi na rin kailangan pa.
Napansin ang DILG official na hanggang ngayon ay mayroon pang ilang LGUs na hindi tumatalima sa naturang IATF resolution dahil naghihintay ng implementing rules and regulations (IRR). (ALMAR DANGUILAN)