AMINADO ang versatile Kapuso actress na si Katrina Halili na magkahalo ang nararamdaman niya sa pagsisimula ng kanilang pelikulang Abe-Nida next month.
Ang Abe-Nida ang hudyat sa pagbabalik ng BG Productions International ni Ms. Baby Go sa paggawa ng pelikula na natigil dahil sa pandemic at pagkakasakit ng kanyang mister.
Bukod kay Katrina, ang pelikula ay pangungunahan nina Allen Dizon at ng mga de-kalibreang actor/direktor na sina Joel Lamangan and Laurice Guillen. Mula sa direksiyon ng award-winning na si Direk Louie Ignacio at sa script ni Direk Ralston Jover, tampok din sa pelikula sina Maureen Mauricio, Vince Rillon, Leandro Baldemor, at ang Pola, Oriental Mindoro mayor na si Ina Alegre.
Wika ni Katrina, “Siyempre po happy at sobrang excited po ako na mag-i-start na po kami. Kasi, alam naman po natin na ang BG Productions ay talagang lagi silang humahakot ng awards.
“At the same time ay nakakakaba rin na nakaka-pressure, kasi parang medyo skeptical ako sa movies, e. Skeptical ako, kasi hindi ko siya masyadong gamay. Kasi siguro ay mas nakasanayan ko ang sa TV, sa mga teleserye.”
Ano ang role niya rito? Esplika niya, “Ang role ko rito is dalawa, isa po ‘yung si Nida at si Cecille. Si Nida po ang asawa ni Abe (Allen), magkamukha po sila, pero magkaibang personality po sila, ‘yun muna po ang sasabihin ko.
“Hindi ko pa po kasi yata puwedeng sabihin, e… Basta, abangan po nila, the movie po is about mental awareness,” nakangiting wika niya.
Mahirap ba na dalawang role ang gagampanan niya rito? Lahad ni Katrina, “Actually, excited naman po ako kasi matagal ko nang gustong makagawa ng dual na role, na magkaiba ‘yung personality, kaya excited ako.
“Tapos siyempre, si Direk Louie, miss ko na siyang makatrabaho. And si Allen Dizon, alam naman natin na ‘yung mga awards na nakuha niya… kaya medyo nakakakaba, nakaka-pressure. Pero happy ako, kasi everytime na makakatrabaho ako ng magagaling na artista ay excited ako, kasi alam kong madadala ka rin, kasi nga ay magagaling sila and marami kang matututuhan sa kanila.”
May mga daring scene ba siya rito? “Actually, mayroon po, mayroong kaunti… hehehe. Pero bahala na po si Direk diyan, alam na po natin iyan, bahala na siyang mag-alaga po sa amin.”
Ano ang masasabi niya na kasama rito sina Direk Joel at Laurice bilang artista? “Oo nga po, kaya hindi ba, nakaka-pressure? Mga artista po sila rito, kaya nakakakaba po na ang mga makaeeksena po natin ay sina Direk Joel Lamangan at direk Laurice Guillen, kaya mahirap din po, hehehe.”
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio