ni ROSE NOVENARIO
NAGING behikulo ni Soliman Villamin, Jr., a.k.a. Dexter Villamin ng DV Boer Farm ang pagpasok niya sa media upang makilala ang matataas na opisyal ng gobyerno at magamit sila sa kanyang multi-bilyong pisong investment scam.
Ipinangalandakan ni Villamin ang mga video at larawan ng mga politiko at opisyal ng gobyerno sa kanyang social media account para palabasin na lehitimo ang kanyang pangangalap ng puhunan sa mga Pinoy sa loob ng bansa para ilagak sa kanyang agribusiness projects gaya ng Paiwi at Microfinance.
Bongga ang naging paglulunsad ni Villamin ng produktong Angas Beef noong Mayo 2018 sa Shangri-La sa The Fort, Bonifacio Global City, Taguig City, inimbita niya ang ilang personalidad gaya nina ACTS-OFW Rep. Aniceto “John” Bertiz III, Department of Agriculture Undersecretary Ranibai Dilangalen, Congressman DV Salvellano, at misis niyang si Dina Bonnevie.
Hiningian din niya ng video message si Presidential Spokesman Harry Roque na ipinalabas sa nasabing pagtitipon.
Sa panayam ng HATAW D’yaryo ng Bayan, kay Roque kagabi, inilinaw niya na bahagi ng kanyang trabaho bilang opisyal ng gobyerno ang magbigay ng mensahe ng pagbati sa iba’t ibang organisasyon o kompanya.
Ayon kay Roque, wala siyang ideya sa operasyon ng kompanya ni Villamin na nanghihingi pala ng pera sa mga investor.
Lingid sa kaalaman ni Roque ay nagkaroon na pala ng pagdududa sa kanya ang mga investors ni Villamin, lalo sa hanay ng overseas Filipino workers (OFWs), sa pagbibigay niya ng video message sa Angas Beef event.
Tulad nang ginawa niya kay Roque, inilathala rin ni Villamin sa kanyang Facebook page ang pagdalaw niya sa farm ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary Marie Rafael sa Paracelis, Mountain Province noong Hulyo 2018.
Ayon sa lady Palace official, noong panahong iyon ay hinihimok siya ni Villamin na maging investor o magpa-accredit bilang sub-farm ng DV Boer Farm.
Bagama’t hindi tinanggap ni Rafael ang alok ni Villamin na maging sub-farm ay hindi tinanggal ng “master scammer” ang FB post na kasama niya si Rafael.
Kaya akala ng ilang nalinlang na investors ni Villamin ay protektado siya ng mga idini-display niyang ‘koneksiyon’ sa administrasyong Duterte.
Kung nakaligtas sa raket ni Villamin sina Roque at Rafael, may dalawang opisyal ng Palasyo ang kanyang nabiktima ngunit tumanggi silang magpabanggit ng pangalan.
(May Karugtong)