NAG-UUMPISA pa lang ang resesyon o ang pag-urong ng sirkulo ng negosyo sa bansa matapos ang mahabang ‘lockdown’ na ginawa ng gobyerno.
Siyempre kung mahaba ang naging lockdown, maraming negosyo ang nahinto at ang unang tinamaan ng domino effect nito ay ang batayang sektor sa lipunan. Sila ‘yung mga sektor na umaasa sa kanilang araw-araw na pagtatrabaho para may maipantustos sa pangangailangan ng kanilang pamilya.
Sabi nga ng matatanda, ‘yung sektor ng mga “isang kayod, isang tuka.” Kaya kung matagal ang lockdown, normal na marami ang kumalam at kumulo ang sikmura dahil wala silang kayod.
At ‘yang bilang na ‘yan ay sinabing umabot sa 4.5 milyong Filipino, pinakamataas na bilang ng mga jobless sa nakalipas na 15 taon — ayon mismo sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Wattafak!
At kung tatagal pa ang kawalan ng trabaho dahil hindi naman talaga naia-address ng gobyerno (ano sa tingin ninyo Secretary Silvestre “Bebot” Bello III?!) ang problema sa pandemya, lalong maaapektohan ang ekonomiya ng bansa.
Sabi nga, kung ang mamamayan ay nawawalan ng purchasing power, paano iikot ang ekonomiya?
Hindi naman magtatapon ng kuwarta sa kalsada ang mayayaman para may maipanggastos ang mahihirap nating kababayan, ‘di ba?
Sa panahon ng matinding krisis, alalahanin natin na lalong naghihigpit ng sinturon ang malalaking negosyante.
Mga makabayang negosyante lamang ang makaiisip na kailangan nilang gumastos nang gumastos para tumulong sa lugmok na ekonomiya ng bansa.
Pero hindi nga magpapakawala ng malaking halaga ang malalaking negosyante at consumers. Natatakot kasing kapag sumayad sa palad ng mga suwapang na politiko ay hindi na pakawalan at ipasok na lang sa mga banko nila.
Kapag ganoon ang nangyari, wala nang iikot na pera, at lalong mahihirapan ang mga kababayan nating hirap na hirap sa buhay.
Lalong mahihirapang bumangon ang ekonomiya — kasi nga walang umiikot na pera.
Kaya unsolicited advice lang po kay Secretary Bello, seryosohin po ninyo ang pagbibigay ng trabaho sa maliliit nating mga mamamayan dahil kamukat-mukat natin sila pala ang tunay na nagpapaikot ng ekonomiya ng ating bansa — hindi baleng walang pera sa banko — ang importante ay umiikot ang ekonomiya.
Secretary Bello, trabaho at hindi bolero ang kailangan ng mga kababayan natin sa panahong ito.
Paalala lang po.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap