Friday , November 15 2024

Serye-exclusive: Media nagamit sa multi-billion grand investment scam (Ikalawang bahagi)

ni ROSE NOVENARIO

MALAKI ang partisipa­syon ng overseas Filipino workers (OFWs) kaya naluklok sa Malacanang si Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016, bumuhos ang suporta ng mga migrante sa inaasa­han nilang lulutas sa mga suliranin ng lipunang Filipino.

Kaya ganoon na lamang ang hangarin nilang suportahan ang programa ng administra­syong Duterte sa food security ng bansa sa pamamagitan ng pagpapaunlad sa sektor ng agrikultura.

Ito ang ginamit na tuntungan ni Soliman Villamin Jr a.k.a. Dexter Villamin, may-ari ng DV Boer Farm sa Barangay Balibago, Lian, Batangas.

Naging raket ni Villamin na hikayatin ang mga Pinoy sa loob at labas ng bansa para maglagak ng puhunan sa agribusiness ng kanyang DV Boer Farm at Subfarms o ang mga accredited niyang mga farm.

Para sumikat bilang ‘agripreneur’ ay pinasok ni Villamin ang industriya ng media, nakipag­mabutihan siya sa ilang istasyon ng telebisyon at radyo para magkaroon siya ng programa  at madikit sa media personalities upang maging lehitimo ang kanyang investment scam.

Naging tampok sa ilang programa sa government-owned People’s Television Network (PTV) si Villamin gaya ng  Bagong Pilipinas at Damayan bilang magandang ehemplo raw ng isang nagsumikap na dating OFW kaya nagtagumpay sa buhay.

Nai-feature sa Bagong Pilipinas noong Abril 2018 ang Paiwi Partners Convention at paglulunsad ng Magsa­saka, Inc. sa pangunguna ng DV Boer Farm ni Villamin na dinaluhan nina Senate Committee on Agriculture chairperson Cynthia Villar, Bureau of Animal Director Romy Domingo, Ilocos Sur 1st District Rep. DV Savellano, Agriculture Undersecretary for Special Concerns Ranibai Dilangalen.

Kalauna’y nagkaroon si Villamin ng sariling segment sa Damayan na Dexkarte, dito’y ipinaliliwanag niya ang kanyang mga adbokasiya sa agrikultura at financial literacy.

Ang regular hosts ng Damayan ay sina William Thio at Emilie Katigbak.

Habang si Dianne Querer naman ang naging co-host ni Villamin sa programang Biyaheng Bukid ng Department of Agriculture.

Ang Biyaheng Bukid ay blocktime program ng Department of Agriculture (DA).

Naging bulung-bulungan sa PTV ang magarbong asta ni Villamin, maliban sa gumagamit ng mga luxury car gaya ng Lexus at suot na mamahaling damit, daig pa niya ang politiko sa bitbit na mga bodyguard.

Hindi nagtagal si Villamin sa Biyaheng Bukid dahil tinanggal umano siya ng DA sa programa nang maba­litaan umano ang reklamo na hindi niya naibibigay ang return of investment sa nakalap niyang mga puhunan ng kanyang investors.

Inilunsad ni Villamin ang kanyang programa sa DZMM Teleradyo na Magsasaka TV noong 2019 ngunit tatlong buwan lamang niyang naging co-host ang reporter na si Dexter Ganibe.

Umabot lamang ng ilang buwan sa DZMM Teleradyo si Villamin at tinanggal din ang kanyang programa dahil humaha­kot ng reklamo ang kanyang DV Boer Farm sa iba’t ibang panig ng bansa, kabilang rito ang kasong syndicated estafa.

Nagkaroon din ng radio program na Magsasaka sa Radyo si Villamin sa government station Radyo Pilipinas at ang kanyang co-anchor ay si Aljo Bendijo.

May mga ulat na may mga empleyado sa ilang media company ang nalinlang rin ni Villamin na maglagak ng kanilang pinaghirapang pera sa kanyang investment scam. (May karugtong)

About Rose Novenario

Check Also

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *