SUGATAN ang isang 16-anyos binatilyo at isang 53-anyos mister matapos ang naganap na insidente ng pananaksak at pamamaril sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Batay sa ulat ni P/Cpl. Mayett Simeon, may hawak ng kaso, dakong 11:30 pm, sa loob ng isang computer shop na matatagpuan sa 8th St., Block 4 Lot 11, Brgy. Tañong ng nasabing lungsod.
Nasa loob ng computer shop ang biktimang itinago sa pangalang Marfe at ang suspek na menor de edad, kapwa residente sa nasabing barangay.
Nagulat na lamang ang mga tao sa lugar nang biglang magkaroon ng mainitang pagtatalo ang 16-anyos na biktima at isang batang lalaki na hindi pinangalanan.
Nang makita ng biktima, tinangka nitong umawat ngunit humablot ang galit na suspek ng isang bote ng beer saka binasag at iwinasiwas sa biktima na naging dahilan upang masugatan sa kanang hita.
Mabilis na isinugod ang biktima sa San Lorenzo Ruiz Women’s Hospital at kalaunan ay inilipat sa Valenzuela General Hospital (ValGen).
Samantala, ginagamot sa Tondo Medical Center (TMC) ang biktimang kinilalang si Ronald Gutierrez, 53 anyos residente sa Block 4 Lot 11, Brgy. Tañong sanhi ng tama ng bala ng hindi batid na kalibre ng baril sa likod.
Sa pinagsamang ulat nina P/SSgt. Corazon Nuque at Ernie Baroy, kasunod na naganap ang pananaksak sa ikalawang biktima sa nasabi rin lugar.
Nabatid na bumibili ng sigarilyo si Gutierrez sa isang tindahan malapit sa lugar kung saan naganap ang kaguluhan na kinasangkutan ng mga menor de edad.
Paglingon ng biktima, isang bala ng baril ang tumama sa kanyang likod dahilan upang isugod sa nasabing ospital kung saan patuloy na inoobserbahan.
Patuloy ang follow-up operation ng mga tauhan ng Sub-Station sa pangunguna ni P/Lt. Manny Ric Delos Reyes para sa pagkakakilanlan at pagkakaaresto sa suspek sa pamamaril kay Gutierrez.
(ROMMEL SALES)