ni ROSE NOVENARIO
“YOU want a clean government. But now we don’t even know who to trust if the people in the government are also involved in this scam and other scam.”
Himutok ito ng isang dating Singapore-based overseas Filipino worker (OFW) na isa sa libo-libong naging biktima ng P3.33-bilyong grand investment scam ng DV Boer Farms, isang kompanyang nag-alok ng agriculture-related services investment.
Nagpasaklolo kay Pangulong Rodrigo Duterte si Irish Fajilagot Alfon, 41-anyos, isang dating Singapore-based OFW at hiniling na paimbestigahan ang DV Boer Farms na pinamumunuan ni Soliman Villamin a.k.a. Dex Villamin dahil kinuhaan siya ng umabot sa mahigit P4,000,000 puhunan pero walang bumalik ni isang kusing na return of investment (ROI).
Umabot aniya sa mahigit 1,000 Pinoys sa loob at labas ng bansa ang nabiktima ng DV Boer at may P3.33 bilyon ang kabuuang halagang nakuha sa kanila.
“When the Securities and Exchange Commission (SEC) however declared that it is illegal for DV Boer Farms without obtaining first a secondary license, the payment of payouts to investors stopped. To date no secondary license had been issued by SEC to DV Boer Farms. When investors asked for the return of their capital (even without the profit), DV Boer Farms still cannot return the investors’ money. When the investors asked for the retrieval of their livestock (e.g. goat, cattle, chicken), DV Boer Farms was not able to release the livestock owned by the Investors,” nakasaad sa petisyon ng investors sa Change.org.
Sa liham ni Alfon kay Pangulong Duterte, inihayag niya ang pagkaalarma na mga opisyal ng gobyerno at militar ang sangkot sa grand scheme na humuthot sa pinaghirapan at inipong salapi ng mga Filipino lalo sa hanay ng OFWs.
Dahil aniya sa pagsusumikap na mabawi ang kanilang pera sa DV Boer, kasama ang kapwa investor na si Seve Barnett, nakaranas sila ng pandarahas mula kay Villamin at idinemanda sila ng cyber-libel nang ibisto nila ang palpak na “paiwi program” ng kompanya sa ginawang Facebook page na may layuning bigyan ng updates ang kanilang ‘paiwi partners.’
“What makes me angry is his (Villamin) constant use of the Philippine government figures especially the military, TGFI ( The Global Filipino Investors), PTV (People’s Television Network) to borrow legitimacy,” sabi ni Alfon.
Hiniling ni Alfon kay Pangulong Duterte na iutos ang isang full blown investigation upang matuldukan ang panlilinlang ng DV Boer at magbalangkas ng solusyon upang tulungan ang mga investor nito para maipagpatuloy nila ang pagsuporta sa bansa tungo sa hangaring food security at maiangat ang sektor ng agrikultura.
“We ask for justice and restitutions. Please do not fail us,” bahagi ng liham ni Alfon.
Nangangamba si Alfon para sa kanyang kaligtasan bunsod ng mga ulat na may malakas na koneksiyon si Villamin sa gobyerno.
Nabatid na ginamit din ni Villamin ang media bilang plataporma sa pagkombinsi sa investors na maglagak ng malaking halaga sa DV Boer Farms at ilang media personality ang kanyang naging katambal sa mga programa sa radio at telebisyon.
Isang mataas na opisyal ng Palasyo ang nag-endoso ng isa sa mga negosyo ng DV Boer Farms at ang video nito ang isa sa naging dahilan kaya naniwala at naengganyo ang mga OFW na ipagkatiwala ang perang nagmula sa kanilang luha, pawis at dugo. (May karugtong)