MAGAGAMIT sa lungsod ng Mandaluyong ang ValTrace contact tracing QR codes ng Valenzuela City na naglalayong matukoy ang mga indibidwal na posibleng positibo sa virus ng CoVid-19 na nauna nang ikinonek sa mga lungsod ng Pasig at Antipolo.
Nakapirma na sa Contact Tracing Network Consortium Agreement ang ValTrace ng Valenzuela City, PasigPass ng Pasig City, Bantay CoVid-19 ng Antipolo City, at Manda Track ng Mandaluyong City.
Hindi na kailangan mag-download ng hiwalay na QR code para sa apat na lungsod dahil ang mga QR code na nakarehistro at ginagamit sa isang lungsod ay maaaring magamit sa naturang mga lungsod na kasama sa kasunduan.
Sinimulang ipatupad ng Valenzuela noong 5 Oktubre 2020, ang ValTrace QR code na napatunayang mahusay at mabisang paraan ng pagtingin sa mga COVID-19 exposures at mga contact ng isang pasyente.
Kailangan ang lahat ng mga mamamayan, maging ang hindi residente ng lungsod ay may sariling ValTrace QR codes na magagamit sa pagpasok sa mga establisimiyento.
Ginagamit ng Valenzuela ang ValTrace QR codes para sa kanilang VCVax CoVid-19 vaccination registration.
Ang Valenzuela ValTrace ay isinama sa PasigPass ng Pasig City noong 7 Disyembre 2020 at sa Antipolo City’s Bantay CoVid-19 na epektibo noong 10 Enero 2021 habang nakakonekta sa MandaTrack ng Mandaluyong nitong 1 Marso.
Inaasahan ng mga lokal na punong ehekutibo ng mga lungsod na mas maraming local government units (LGUs) ang sasali sa digital contract tracing solution sa pamamagitan ng paggamit ng QR codes.
(ROMMEL SALES)