SANA’Y maging aral sa lahat ng mga itinalagang sugo, kinatawan, o ambassador ng Filipinas sa ibang bansa lalo sa mga nakatalaga sa Middle East countries ang ginawang pagsibak ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Philippine Ambassador to Brazil Marichu Mauro bunsod ng pambubugbog sa kanyang kasambahay.
Isa ito sa mga tampok na inihayag ng Pangulo sa kanyang public address kamakalawa ng gabi. Ang pagsibak kay Mauro ay batay sa resulta ng imbestigasyon ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa ginawang pagmamaltrato ni Mauro sa kanyang kasambahay na isang overseas Filipino worker (OFW).
Alinsunod sa mga probisyon ng Foreign Service Act of 1991, siniyasat ang pagmamaltrato ni Mauro sa kanyang kasambahay na matagal na palang dumaranas ng kanyang pananakit.
Inilabas sa Brazilian media ang CCTV footage ng mga insidente ng pagmamaltrato ni Mauro sa kanyang kasambahay sa kanyang official residence sa Brazil kaya’t agad siyang pinabalik sa bansa ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locisn, Jr., noong nakaraang taon.
Binatikos si Mauro ng ating mga kababayang OFWs lalo’t kabilang sa kanyang tungkulin ay bigyang proteksiyon ang mga manggagawang Filipino na nasa bansang kanyang kinatatalagahan pero mismong ang protektor ang pangunahing nang-abuso sa kapwa Pinoy.
Wattafak!
Hindi na makatatanggap ng retirement benefits at bawal nang humawak ng kahit anong public position si Mauro.
Sana naman ay ipatupad nang mahigpit ang utos na ito ng Pangulo baka naman kamukat-mukat natin ay naisaksak na ‘yan sa isang opisina ng gobyerno na hindi masyadong expose sa publiko.
Mas maigi pa sigurong mag-apply na ekstra sa pelikula si Mauro at gumanap na isang kontrabida. Malay natin baka pumalit pa siya sa puwesto ni Madam Bella Flores — ang reyna ng mga kontrabida sa lokal na pelilkulang Filipino.
Pero sana’y higit na maging hudyat at aral ito kay Foreign Affairs Secretary Teodoro “Teddy Boy” Locsin, Jr., para alamin at i-monitor ang mga kinatawan nila sa Middle East countries.
Hindi lang isang kaso ng pagmamaltrato ang nararanasan ng mga OFW natin sa Middle East. Pero malaking ‘relief’ ang mararamdaman ng mga kababayan natin kung tuluyang masisibak ang mga delingkuwenteng opisyal ng DFA sa iba’t ibang bansa na kinatatalagahan nila.
Mantakin n’yo naman, ang laki ng suweldo ng mga envoy, ambassador, o attaché. Pabahay na, pakotse pa, may budget pa sa paglamon at pananammit nila. Mula sa buwis ng bayan ‘yan na ang isa sa may kakayahang mag-ambag nang malaki ay OFWs pero sila pa ang nagiging busabos.
Sana’y wala nang kasunod ‘yang si Mauro, kapag nagkaroon pa, aba kailangan nang repormahin ang hanay ng mga envoy, ambassador, at attaché.
Paging Secretary Teddy Boy Locsin!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap