NAGKALAT sa lugar ng EDSA Pasay Rotonda ang huling destinasyon ng MRT kung manggaling sa SM North. Pagbaba ng hagdanan ay maraming biyahe ng jeep patungong Mall of Asia na itinatawag ng mga barker o silang responsable sa pagtawag ng mga pasahero.
Kapag lumakad nang konti, mga taksing gustong makakuha ng pasahero ang nakaabang, na aalukin ka ng mga barker ng “Taksi mam?” Legal na legal ang mga barker sa nabanggit na lugar habang kuwentohan ang kuwentohan lang ang mga tauhan ng MMDA sa ilalim ng MRT.
Ang mga barker na binabanggit ko kapag sasakay ka ng taksi, ay sapilitang humihingi ng barya sa mga taxi driver. At ito ang ikinabubuhay ng mga barker, ang bigay ng mga jeepney at taxi driver sa pagtatawag ng mga pasahero.
Wala sanang problema, dahil gustong mabuhay nitong mga barker na kabi-kabilang nakapuwesto.
Ang problema, hindi pa kontento sa abot na barya mula sa mga taksi drayber ang mga ungas na barker, pati pasahero ay hinihingian! Hindi isinasara ang pintuan ng taksi hangga’t ‘di nagbibigay ng barya ang pasahero, na kadalasan ay ikinagagalit ng mga driver, at galit si barker na isasara ang pintuan ng taksi dahil ‘di binibigyan ng pasahero ng barya!
Minsan, ako mismo ang naglakad at pumara ng isang taksi na hindi ako dumaan sa barker, nagulat na lang ako ng buksan ko ang pintuan ng taksi biglang sumulpot ang isang barker! Ano ‘yan? ‘Di naman ako nagpatawag ng taksi, sariling effort ko ang pagtawag sa taksi na gusto kong sakyan pero haharangin pa rin ng barker ang taksi!
Lumilitaw na ang lugar sa Pasay Rotonda along EDSA, harapan ng dating Kabayan Hotel ay lugar ng mga barker at bawat dumaan o pumaradang taxi doon ay nagsisilbing terminal na pati mga pampasaherong jeep.
Dahil may traffic lights sa kanto, lalong nagbubuhol ang trapiko dahil mistulang terminal na ang nabanggit na lugar.
Bakit bulag ang mga awtoridad dito? Sagot ng mga barker, “Meryenda ng mga pulis! How true? Ayon sa barker na nakausap ko, lima silang barker at obligado silang bumili ng meryenda ng mga nakaposteng tauhan ng MMDA at Local Traffic Enforcer pagsapit ng hapon! Ganoon?
SI MAYORA ‘DI NAKALIGTAS SA COVID
ALAM ng lahat na ‘di nakaligtas ang maganda at malambing na Mayora ng lungsod ng Pasay sa CoVid-19. Kaya ng matapos ang kantang 14 days isolation, sa pag-aakalang puwede na siyang bumalik sa serbisyo-publiko, hindi pa pala puwede! Dahil habang naka-quarantine si Mayora at dalawang anak nito, ang mister ni Mayora ang nag-aasikaso sa misis at mga anak.
Malas naman, pagaling na ang mayorang misis at dalawang anak, naging covid positive naman si Mister! Kaya panibagong isolation o quarantine na naman si Mayora at dalawang anak nito.
Aba’y parang nagbakasyon sa ibang bansa si Mayora sa tagal ng isolation period nito! ‘Di lang natin naitanong kung ang housemaid ay positibo na rin!
Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata