DINAKIP ng Quezon City Police District (QCPD) ang pitong hinihinalang tulak sa Fairview sa magkahiwalay na buy bust operation, iniulat kahapon.
Kinilala ni QCPD Director, P/BGen. Danilo Macerin ang unang nadakip na sina Andrea Mae Llaneza, alyas Andeng, 28 anyos; Mary Grace Tugade, 30, kapwa residente sa Caloocan City; Christine Ordanza, 25, nakatira sa Brgy. Balon-Bato, QC, at Rogelio Dela Cruz, 45, taga-Brgy. Baesa, Q.
Ayon kay Fairview Police Station 5 commander P/Lt. Col. Melchor Rosales, dakong 9:30 pm, 23 Pebrero 2021, nang isagawa ng drug operation sa Winston St., Brgy. Greater Fairview QC.
Dinakip ang mga suspek nang bentahan ng shabu ang pulis na nagpanggap na buyer. Nakuha sa mga suspek ang 20 gramo ng shabu na may halagang P136,000 gayon din ang buy bust money.
Pasado 12:10 am, 24 Pebrero, nang maaresto ang tatlo pang sina Cedie Viernes, 27; Evangeline Baluyot, 31; at Khaye Taule, 31, kapwa residente sa Caloocan City.
Isinagawa ang buy bust sa Fairlane St., Brgy. Greater Fairview, makaraang makatanggap ang pulisya ng imporamsyon sa ilegal na aktibidad ng mga suspek.
Nakompiska mula sa tatlo ang 20 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P136,000 at buy bust money.
Nakapiit ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinapurihan ni Macerin ang Fairview Police Station sa patuloy na pagsasagawa ng drug operation sa kanilang area of responsibility (AOR).
(ALMAR DANGUILAN)