PINAG-AARALAN ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang panukalang alisin ang mandatory CoVid-19 testing bilang requirement sa pagbiyahe ng mga lokal na turista.
Ayon kay DILG Undersecretary Epimaco Densing, kabilang sa pinag-uusapan at pinag-aaralan ang pag-aalis ng CoVid-19 testing, pag-iisyu ng travel authority, at city health certificate.
Aniya, imbes i-require ang mga biyahero na sumailalim sa “clinical testing” sa kanilang “terminal of origin” gayondin sa kanilang terminal of destination.
Idinagdag ng opisyal, ang mga indibidwal na kinakailangan na sumailalim sa swabbing ay ‘yung mga indibidwal na makikitaan ng sintomas ng sakit, natukoy na infected ng virus at nagkaroon ng contact sa CoVid-19 patients at kung wala naman umanong exposure sa virus ay hindi na imamandato ang testing.
“Tinitingnan din namin ang posibilidad na wala nang testing at klinaro namin ito sa Department of Health (DOH). Noong nakaraan, sinasabi ng Department of Health, okay ang testing kung ikaw ay nagpapakita ng sintomas ng virus. Pangalawa, kung ikaw ay na-expose at kung ikaw ay mismong pasyente ng CoVid-19, iyan,, mandatatory testing po iyan,” ani Densing, sa panayam sa radyo.
“Kung ikaw ay walang ganoong klaseng exposure, hindi po mandated talaga ang testing. Banggit po ng ating epidemiologists, as long as meron kang minimum health standards… 95 percent po hindi po tayo makapaghahawa at hindi rin tayo mahahawa,” dagdag ng DILG official. (ALMAR DANGUILAN)