NADAKIP ang tatlo sa walong pulis na sangkot sa kasong pagpatay sa isang Korean national noong 15 Pebrero 2021 sa Valenzuela City.
Kinilala ang mga suspek na sina P/Cpl. Darwin Castillo, na naaresto sa Quarantine Control Point (QCP) sa Baywalk, Roxas Blvd., dakong 2:00 pm, habang si P/SSgt. Carl Legaspi ay sa Mendiola San Miguel, Maynila bilang security team member, at si P/Cpl. Samruss Inoc ay una nang naaresto sa loob ng Roxas Boulevard Police Community Precinct.
Batay sa ulat ng pulisya, isinagawa ang operation sa mga pulis na kapwa naka-assign sa Malate Police Station (PS-9) dahil sa pagkakasangkot sa napatay na Koreano, kinilalang si Sunuk Nam, 55 anyos, na nakitang patay sa bakanteng lote sa harap ng St. Angelus Cemetery noong 15 Pebrero 2021 sa Purok 4, Area 6, G. Marcelo St., Brgy. Maysan Valenzuela City.
Isang tracker team ang agad na binuo ng Valenzuela City Police, NPD SITG sa pamumuno ni P/Maj. Ferdinand Mendoza sa pakikipagtulungan ni P/BGen. Leo Francisco, District Director ng Manila Police District (DD-MPD) na agad ikinaaresto ng tatlo.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Sunuk Nam. (ROMMEL SALES)