ISANG bagong triyanggulo ang isisilang sa malapit nang matunghayang handog ng 3:16 Media Network Production. Malamang sa pagbubukas na mga sinehan o ‘di naman kaya ay sa mga streaming digital platforms.
Sa mga nakapanood na ng Silab na tinatampukan ng mga baguhang sina Cloe Barreto at Marco Gomez, isa lang ang kanilang nasabi, mukhang inspirado ang premyadong direktor na si Joel Lamangan sa istoryang ginawan ng screenplay ng isa ring premyadong manunulat na si Raquel Villavicencio.
Nakuha ng mga bago niyang Musa ang gusto niyang mangyari at makita sa mga eksenang ipinagawa sa kanila.
Idinagdag pa ang kahusayan ng premyado ring aktor (ng URIAN) na si Jason Abalos at ang suporta ni Chanda Romero.
Isang mahal sa buhay (ang kanyang tiyuhin) ang nawala sa buhay ni Cloe at pamilya niya kaya kinailangang umuwi ng Mindoro para samahan ang pamilya sa pagdadalamhati.
Nang malaman ni Cloe na marami na ang natuwa at nagpapasalin-salin na ng magagandang salita tungkol sa pelikula at kanilang pagganap, kulang na nga lang na lumipad ito pabalik ng Maynila para masilayan na rin ito.
Ito nga ang klase ng pelikulang ipagmamalaki ng isang Joel Lamangan. Dahil kakayanin na nina Cloe at Marco na lumaban para magka-award.
Nang ganapin ang pocket presscon nina Cloe at Marco, inamin naman nilang nakatulong para magawa nila ang mga daring scenes, ang pagkakaroon nila ng bonding bilang magkaibigan at “magkapatid” sa iisang management.
Para kay Cloe na hilaw na hilaw na isinalang sa kanyang pinaka-matinding asignatura, sinakyan niya ang pagkakaroon ng matinding crush kay Jason sa tunay na buhay.
Hindi pa todong mailantad ang mga sikretong mabubunyag sa istorya tungkol sa relasyon ng mag-asawa, ang pangungulila, at ang mga kinakaharap sa sitwasyong nagpapalawak sa kanilang mga tinahak na pagsubok.
Bakit kailangang abangan ang triyanggulo?
Bukod sa isang bagong Kayumangging Adonis ang isisilang at mapapanood kay Marco, at isa namang may promise maging de kalibreng aktres ang aabangan kay Cloe, tinapatan ni Jason ang rubdob ng katauhang ipinagkatiwala sa kanya ng direktor at screenwriter sa papel niya.
Naisip ko ang Scorpio Nights. Ang Virgin People. Ang Snake Sisters. Pati na Ang Kabit ni Mrs. Montero. Maski pa Erotika. Tunggalian. Pagmamahalan. Lalampas sa kamalayan.
Pero ang sabi, ibang-iba ito sa inaasahan. Kaya hindi pwedeng pangunahan.
Marco, susunod na Richard Gomez at Cesar Montano. Cloe, ang padating na Anna Marie Gutierrez, maski pa Rosanna Roces!
Hindi tayo mapapahiya. Sigurado na si Cloe sa mga sasalangan niyang pelikula sa Viva Films. Susunod na si Marco sa kanyang mga gagawin.
HARD TALK!
ni Pilar Mateo