TATLONG lalaki ang kalaboso matapos na makuhaan ng shabu at baril sa magkahiwalay na operation ng pulisya sa Caloocan City.
Kinilala ang mga suspek na sina Orlando Topacio, 40 anyos, residente sa Tondo, Maynila, at John Michael Cangas, 18 anyos, ng DM Cmpd., Brgy. 73 ng nasabing lungsod makaraang makompiskahan ng apat na plastic sachets na naglalaman ng nasa 3.05 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang P20,740 ang halaga.
Nahaharap ang dalawang suspek sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs of 2002 habang nakapiit sa detention cell ng Caloocan City Police.
Batay sa ulat ni West Grace Park Police Sub-Station deputy Commander P/Lt. Ronald Allan Soriano, dakong 10:00 pm nang parespondehan niya sa kanyang mga tauhan ang kanilang natanggap na tawag sa telepono mula sa isang concerned citizen hinggil sa isang grupo ng indibiduwal na nagsasagawa ng illegal drug transactions sa kahabaan ng Diwa St., Brgy. 59.
Pagdating sa lugar, naaktohan ng mga pulis ang naturang grupo na nagtatransaksiyon ng ilegal na droga ngunit nang mapansin ay mabilis na nagtakbohan ang mga suspek.
Kaagad nasakote ang dalawa sa mga suspek, habang nakatakas ang anim na hindi na pinangalanan ng pulisya para sa kanilang follow-up operations.
Nauna rito, dakong 3:30 pm nang ipatupad ng mga tauhan ng Caloocan Amparo Police Sub-Station sa pangunguna ni P/Capt. Jansen Ohrelle Tiglao ang search warrant na may petsang 19 Pebrero 2021 na inisyu ni Hon. Raymundo allega, Executive Judge ng Branch 139 Regional Trial Court Caloocan City sa paglabag sa RA 10591 sa Blk 18 Lot 8&9 Miramonte Park Subdivision, Brgy. 180 na nagresulta sa pagkakaaresto kay George Adalem Gonzales, 44 anyos, ng nasabing lugar.
Nakuha sa suspek ang isang cal. 38 revolver na kargado ng anim na bala at kalibre .45 na may isang magazine at kargado ng limang bala.
(ROMMEL SALES)