INIHAYAG ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Officer-in-Charge (OIC) at Undersecretary Bernardo C. Florece, Jr. ,na isang welcome development ang paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte ng memorandum order (MO) na nagpapahintulot sa local government units (LGUs) na magbigay ng advance payments na lampas sa 15% para sa pagbili ng CoVid-19 vaccines, ngunit kailangang awtorisado ng National Task Force CoVid-19 na bumili ng bakuna.
Ayon kay DILG Officer-in-Charge (OIC) at Undersecretary Bernardo C. Florece, Jr., ikinatuwa nila ang paglagda ng pangulo sa Memorandum Order (MO) No. 15 at ito ay isang welcome development sa pagsusumikap ng Filipinas na makabili ng bakuna para sa lahat ng adult Filipino citizens.
“This development will ascertain that both the NTF and the LGUs will speed up the process of securing CoVid-19 vaccines for their constituents. Malaking hakbang ito para sa lalo pang pagpapabilis ng proseso ng pagbili ng mga bakuna para sa ating mga kababayan,” ani Florece, sa isang pahayag.
Sinabi ni Florece, sa pamamagitan ng MO No. 15, kasama ang posibleng pagsasabatas ng House Bill No. 8648 na magpapahintulot sa pag-angkat ng bakuna nang walang binabayarang buwis at Senate Bill No. 2057 para mapabilis ang pagbili at rollout ng CoVid-19 vaccines, at pagtatakda ng P500-million indemnification fund, ay tuluyan nang maaalis ang mga sagabal sa maagang delivery ng mga bakuna sa bansa.
Samantala, ikinatuwa at ipinagpapasalamat rin naman ng League of Cities of the Philippines (LCP) ang aksiyon ng pangulo.
“We are very thankful to President Rodrigo Duterte for the timely issuance of Memorandum Order 51 that will allow cities to make advance payments for the procurement of CoVid-19 vaccines,” anila.
Pinaalalahanan ni Florece ang lahat ng LGUs na nakasaad sa MO 15 na ang pagbili at pagbabayad sa bakuna ay dapat na may awtorisasyon mula kay NTF Chief Implementer Carlito Galvez, Jr.
Paalala ni Florece, walang lugar ang korupsiyon ngayong panahon ng pandemic at lahat ng mapapatunayang nagsamantala at nasangkot sa katiwalian ay papatawan ng mabigat na kaparusahan.
“We will not hesitate to apply the full weight of the law once we have proven na kayo ay sangkot sa krimen at korapsyon na may kinalaman sa pagbili ng mga bakunang ito,” dagdag ng opisyal ng DILG. (ALMAR DANGUILAN)