TINANGAY ng driver at ng kanyang pahinante ang mahigit P600,000 halaga ng kanilang kargamentong monggo at sibuyas na dapat ay dinala sa isang buyer sa Malabon City.
Pinaghahanap ang mga suspek na kinilalang sina Marvin Enano, 24 anyos, driver ng truck; at Khen Palajos, pahinante, kapwa residente sa Baseco Compound, Port Area, Maynila, nang hindi nakarating ang sako-sakong monggo ganoon rin ang sibuyas.
Batay sa reklamo ng negosyanteng si Johnson Tan, 24 anyos, residente sa Asuncion St., Tondo, hindi dumating sa kanyang buyer na si Kevyn Sy sa Balintawak Market sa Quezon City ang ipinadala niyang sanang 100 sako ng monggo at 800 sako ng bawang na may kabuuang halagang P611,000 kahapon ng umaga.
Sa imbestigasyon ni P/SSgt. Jose Romeo Germinal ng Malabon police, inutusan ni Tan ang dalawa na kunin sa Super 5 Cold Storage sa Gov. Pascual, Brgy. Catmon ang mga kargamento kamakalawa dakong 8:52 pm at dalhin sa kanilang buyer na si Sy sa puwesto nito sa Balintawak Market.
Inakala ni Tan na nai-deliver na ng dalawa ang sako-sakong monggo at bawang ngunit nagulat siya ng tawagan siya ni Sy dakong 2:00 pm kamakalawa at tinatanong kung bakit hindi dumating ang inorder niyang monggo at bawang.
Kaagad tinawagan ni Tan sa kani-kanilang mobile phone ang kanyang driver at helper ngunit hindi na sumasagot kaya’t humingi siya ng tulong sa Manila Police District (MPD) Station 2 na nagpayong maghain ng reklamo sa Malabon police.
Tinutugis ng magkasanib na puwersa ng MPD at Malabon police ang mga suspek para sa agarang pagdakip. (R. SALES)